Walkout
PAGDATING sa kantiyawan at pikunan, nakikipagsa bayan ang Pinoy dahil umiiral sa ating kultura ang paniwalang pikon-talo. Anuman ang mangyari, dapat ay sport lang. Kagulat-gulat nga minsan ang pasensiyang naipapamalas ng iba diyan sa kabila ng katakut-takot na “pressure”. Balat sibuyas daw ang Pinoy?
Ito ang pamantayan kung katanggap-tanggap o hindi ang walkout— kung marangal ang labanan. Habang naniniwala ang tao na wala namang lamangan o abuso, dapat wala munang susuko. Kaya hindi lahat ng walkout sa ating kasaysayan ay nakaani ng suporta ng bayan.
Subalit may mga pagkakataon sa ating buhay kung saan ang pagsuko ay nagiging higit na katanggap-tanggap kaysa sa pakikilahok. Nitong nakalipas na mga araw, dalawang walkout ang ating nasaksihan: Una,
“Nakita mo nang binababoy kami. Manindigan ka naman.”, bigkas ni Major Jason Aquino nang akmang ha-harangin ng mga guwardiya ang paglabas ng Marines sa Court Martial. Hindi na nakayanan ng mga akusado ang desisyon ng Court Martial na litisin sila kahit walang lagda ni Chief of Staff Hermogenes Esperon ang mga akusasyon. Sa Batasan naman, binasura ni Cong. Matias Defensor ang mosyon ng opposition congressmen na huwag sumali sa hearing ang mga nag-attend sa Palasyo noong Oct. 11 nang nagkabigayan ng tig-P500,000.
Sa ganitong mga pangyayari, kapag malinaw na ang karangalan ay naglisan, para ka na ring nakisali sa moro-moro kung patuloy kang makilahok. Walang nakakahiya sa ganitong kusang desisyon na sumuko kung tanging sa ganitong paraan mapapanatili ang dignidad. Ang mga pinakasikat na walkout ng ating siglo — ang Comelec computer operators walk-out laban kay President Marcos at ang prosecution panel walkout sa President ERAP impeachment ay parehong nabuo na hindi pinagplanuhan. Pareho ring naging mitsa ng hindi maawat na pagkilos tungo sa pagbabago.
- Latest
- Trending