ANG BITAG ay isinilang sa larangan ng serbisyo publiko at hindi kaila sa lahat ang panganib ng aming trabaho.
Subalit hindi ko itinatag ang BITAG upang magkaroon ng fans club o maging iconic sa publiko.
Lugod kaming nagpapasalamat sa mga taong sumusuporta at tumatangkilik sa programang BITAG.
Batid ng aming grupo na ang ilan ay nagagalit sa aming ginagawa dahil wala talaga kaming sinasanto at pinipili sa mga reklamong inilalapit sa amin.
At kung may ilang nagagalit, marami naman din ang natutuwa at humahanga sa aming ginagawa. Subalit hindi ito dahilan upang gawin ang isang bagay na lingid sa aming kaalaman o walang permiso ng BITAG.
Isa na rito ay ang ginagawang pag-exhibit o pag-a-upload ng segments ng BITAG ni Marikinadono sa internet, partikular sa YOUTUBE.
Maaring maganda ang hangarin ng grupo ni Marikinadono sa pag-post ng aming mga segment ng BITAG sa YOUTUBE subalit bilang respeto sa may likha ng BITAG, humingi muna sana sila ng permiso.
Hindi naman namin ipagdadamot ang mga BITAG segments dahil alam naming maraming tatangkilik nitong mga kababayan nating nasa ibang bansa.
Bilang courtesy nararapat na nakipag- ugnayan muna siya sa aming opisina upang ipaalam sa amin at ng mapag-usapan din ang maaring kasunduan sa pagitan ng kanilang grupo at ng BITAG…
Maaaring simple at mababaw lang ito para sa iba, pero para sa lumikha at bumubuo ng BITAG, isa itong seryosong usapin na hindi dapat palampasin.
Nakaaalarma kung paano at saan nila nakukuha ang mga videos hindi lamang ng BITAG maging ng ibang programa ng malalaking TV Station. Nailalagay ito sa YOUTUBE ng walang logo istasyong pinangga lingan nito.
Hindi madali ang mag-produce ng ganitong kla seng mga segment, pinaghirapan, ginugulan ito ng panahon at pagod ng buong grupo ng BITAG kaya’t hindi ito puwedeng kasangkapanin ng iba upang pakinabangan.
Malinaw na nakasaad sa Intellectual Property Rights na walang sinuman ang maaring gumamit, mag-reproduce at mag-exhibit ng mga likha ng tao ng walang kaukulang permiso mula sa mga ito.
Nagpapaalala lamang ang BITAG at diretsahan naming ipinaaalam kay MARIKINADONO at sa iba pang gumagawa ng ganitong paglabag.
Kung nagagawa ng ilan na bastarduhin, nakawin o i-upload ang mga videos, segments o episodes ang mga programa mula sa ibang istasyon ng tele bisyon ng walang paalam, ‘wag ninyong gawin ito sa BITAG.
Huwag din sanang umabot pa sa puntong hahabulin pa namin kayo kung patuloy nyo kaming babalewalain.
Kung talagang malinis ang inyong intensyon ay maaari kayong personal na makipag-ugnayan sa tanggapan ng BITAG.