ANG mga suspek sa krimen, kapag inaaresto, ay hindi dapat ipinaparada agad ng mga awttoridad sa publiko dahil ito ay labag sa karapatang pantao. Nagdudulot din ito ng grabeng kahihiyan sa kanila at ganun din sa kanilang pamilya.
Ito ang buod ng Senate Joint Resolution No. 4 na pangunahing iniakda ng aming panganay na anak ni President Erap na si Senate president pro tempore Jinggoy Estrada at pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ng mataas na kapulungan.
Ayon kay Jinggoy, maraming suspek na ni hindi pa nasasampahan ng kaso sa hukuman pero ipinaparada na sa mga press conference ng mga awtoridad dahil sa pagnanais nilang maiulat sa publiko na mabilis nareresolba ang mga krimen.
Inaatasan sa resolusyon ang Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG), at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa law enforcement at peace and order na maglabas ng patakaran at regulasyon hinggil sa pagprisinta ng mga suspek sa media.
Ipinaalala ni Jinggoy ang nakasaad sa ating Konstitusyon na ang sinumang pinaghihinalaan sa krimen, hangga’t hindi pa napatutunayan ng korte na talagang siya ang may kasalanan, ay dapat pa ring ituring na inosente sa ibinibintang sa kanya.
Base sa resolusyon, ang puwede lang na isapubliko agad ang larawan at pagkakakilanlan ay yaong mga suspek na mayroon nang warrant of arrest at mga “at large” pa, kaya kailangan itong ilathala upang ang mga mamamayan ay makapag-ingat o kaya naman ay maka tulong para maaresto ang suspek.
Sa pamamagitan ng resolusyon ni Jinggoy, maibabalanse ang karapatan ng publiko sa impormasyon tungkol sa mga krimen na nagaganap sa lipunan, kasabay ng proteksyon sa mga karapatan ng mga pinagbibintangan sa krimen.
* * *
Para sa mga kababayan nating naghahanap ng serbisyo publiko, maaari kayong lumiham sa opisina ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City. Ipagpaumanhin ninyo at hindi po matutugunan ang mga solicitation letter.