SAYANG lang ang tilamsik ng laway ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Avelino Razon sa harap ng mga mamamahayag kung patuloy na lumalaganap ang patayan at kotongan, he-he-he! Nasaan ang mga na-download n’yong rookie cops na ikinalat sa limang distrito ng Metro Manila.
Halos hindi na mabilang ang mga nangyayaring ambush sa mga government officials tuwing sasapit ang dilim. Kabilang dito ang pag-ambush kay Comelec Legal Director Alioden Dalaig sa M.H.Del Pilar, Ermita, Manila noong Sabado ng gabi.
Kung sabagay batid ng Maneliño na pawang abala ang opisyales ng MPD sa paghahanap ng mga padrino upang mapanatili sila sa puwesto, he-he-he! Mas inuuna pa nila ang paghahanap ng mga bigating pulitiko kaysa magtrabaho. Get n’yo mga suki?
Panahon na General Razon na hambalusin mo si Supt. Jojo Rosales matapos na siya’y malusutan ng mga kriminal. Marapat lamang na gumawa ka ng aksyon sa madaling panahon para mahadlangan ang pagyabong ng kriminalidad. Ikumpas mo na ang iyong kamay na bakal sa mga tutulog-tulog mong tauhan.
Sa Quezon City, patuloy na namamayagpag ang mga carjacker. Patulug-tulog ang mga pulis doon. Sa Las Piñas City, isang armored van ang niratrat ng 12 holdaper habang binabaybay ang CAA Road. Tatlong guwardya ang napatay.
Sa Parañaque City, laganap ang holdapan sa mga pampasaherong jeepney araw man o gabi.
Mukhang napapabayaan na ni Supt. Ronald Estilles na magpakalat ng kanyang mga tauhan sa mga pangunahing kalsada kung kaya’t nagpipiyesta ang mga kawatan. Mas abala pa ang mga tauhan ni Es tilles sa pagpapatrulya sa mga illegal terminal sa kanto ng Roxas Blvd at MIA Road.
Mukhang inuuna muna nilang mapuno ang kanilang bulsa kaysa maghanap ng mga holdaper sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Bgy. Tambo.
Colonel Estilles, magpakalat ka ng mga bulldog mo sa kanto ng MIA at Quirino Ave. Diyan namumugad ang mga kabataang holdaper na bangag sa bawal na gamot. Abangan!