Ang naglahong paruparo
(Ang tulang ito ay binigkas ng awtor sa huling gabi
ng lamay ng kanyang kapatid na si Engr.
Artemio B. Magadia noong Nob. 3, 2007.)
Ako’y isang paruparo – sa malayo pa nagbuhat
at kung kaya naparito ay mayroong hinahanap,
Paruparong kapatid ko na mabilis kung lumipad
ay ano ba’t isang gab’y naglaho at sukat;
Kung saan Siya nakasapit ay hindi ko madalumat
kaya wasak yaring puso at sakbibi ng bagabag!
Ginalugad ko ang bundok at ang dagat ay sinisid
Sa hangaring masilayan ang kapatid na nawaglit,
Walang humpay ang paglipad ang Project 6 ay nasapit
sa tabi ng Kanyang bahay doon ako ay gumilid
at doon nga sa bulwagan na lubha pang mapang-akit
sa wakas ay natagpuan ang kapatid na umalis!
Ang kapatid na naglaho’y natagpuan sa bulwagan
kaya ako ay pumasok na ang dala’y pagmamahal’
Ang bulwagan nang pasukin ay una kong napagmasdan
bulaklak na kay babango – maningning na mga ilaw;
At nang ako ay sumilip sa may gitna ng bulwagan
nakita ko si kapatid na wari bang nalulumbay!
Akala ko’y natutulog kaya ako’y dumistansiya
nagbantulot na lumapit baka siya ay pagod pa;
Damit niya’y puting-puti at pikit ang mga mata
habang siya’y minamasdan napansin kong lumbay siya
Kaya ako ay lumapit at tiniyak lagay niya
hindi pa rin kumikilos – siya pala ay patay na!
Ah siya nga ay patay na’t ang asawa’t mga anak
napansin kong lumuluha sila’y pawang umiiyak
Pagka’t hindi ko matiis na madamay kayong lahat
pinigil ko ang pagtulo ng luha kong bumubulwak;
at sapagka’t ako’y bunso mas malakas ang pag-iyak
Kuya ako’y inunahang sa kay Inay ay yumakap!
Pagka’t ako ay kapatid na nawalay sa piling n’ya
ang lukso ng aming dugo napagtanto na iisa;
Noong ako’y nag-aaral trabaho n’ya ay kay ganda
kaya ako’y humihingi ng tulong at saka pera
At sapagka’t ako’y bunso ang takbuha’y tanging siya
hindi siya nagdaramot, may pera na’y may kain pa!
At nang siya’y magkasakit – dumaraing na sa hirap
dahil ako ay malayo pangalan ko’y tinatawag;
“Dading! Dading!” kung pakinggan ay kay sarap
ngunit pagka’t malayo nga lambing niya’y di natanggap;
Kuya Temyong , narito na ang kapatid mong naglayag
ngayong tayo ay magkita – di na kita mayayakap!
Ilan tayo Kuya Temyong? Tayo’y pito nang isilang
Si Belen at saka ako ginusto mo na maiwan
Upang sa ‘yong inulila – nakahandang pag-utusan
Sa asawa’t mga anak kami’y handang umalalay
At sa iyong mga apo – ay pwede ring paglambingan!
- Latest
- Trending