KADE-KADENANG mga proyektong overpriced at kontratang buktot ang naganap: Macapagal Boulevard, Clark Centennial, MegaPacific-Comelec, Piatco-NAIA-3, IMPSA power, fertilizer scam, ZTE-NBN. At pinakahuli, ang kahiya-hiyang pamimigay sa Malacañang ng tig-P500,000 sa 189 kongresista at 60 gobernador — kabuuang P120 milyon na walang resibo. Ganyan na ba kadali mangulimbat sa gobyerno?
Ani anti-graft crusader Marcelo Tecson ng San Miguel, Bulacan, hindi magaganap lahat ‘yan kung nakatutok ang Commission on Audit. Trabaho ng COA bantayan ang gastusing pampubliko, ayon sa Saligang Batas. Independent ito, at may 12,000 personnel, para gampanan ang tungkulin. Pero hindi nagagawa.
Sa pagsusuri ni Tecson, natutunton ng CIA ang katiwalian sa huli na. Ito’y pagkatapos mag-post audit sa mga bilihin o bayarin ng ahensiya. At dahil huli na ang pagtuklas sa krimen, hindi na mabawi ng gobyerno ang winaldas o ninakaw na pera. Nakapagtago na ang mga salarin.
Maiiwasan ang corruption pre-audit ang ginagawa ng COA. Ito ang pagsuri sa proyekto at presyo bago pa man isakatuparan.
Kung napakasimple ng solusyon, bakit hindi ginagawa? Maaalalang inalis ng COA officials ang pre-audit nu’ng panahon ng martial law, ani Tecson. Ito’y para maiwasan umano ang komprontasyon ng COA at ng mga nagtamasa sa martial law. Maraming mapang-abusong gastusin at bilihin ang diktadurya ni Marcos at ng burokrasya niya. Nahuhuli lahat ito sa pre-audit ng COA. Kaso mo, tinakot ang mga auditors na huwag nang hadlangan ang mga kalokohan. Binantaan sila ng kulong, pananakit, pagpatay. At para mailayo ang auditors sa gulo, pinasya ng pamunuan noon ng COA na alisin na lang ang pre-audit.
Kung bakit hindi pa rin binabalik ang epektibong pre-audit, ‘yan ang tanong sa COA ngayon? Ito ba’y dahil nakikipagsabwatan ang pamunuan ng COA sa mga bagong magnanakaw? Panukala ni Tecson, tanggalan ng CPA license ang auditors na napapalusutan ng anomalya.