Multo ng Francisco
TAPOS na ang Undas pero hindi pa rin nananahimik ang mga multo. Ang tinutukoy ko ay ang maligno ng kasong Francisco, Jr. vs. House of Representatives. Noong 2003, sinampahan ng impeachment case si Chief Justice Hilario Davide. Reklamo ng mga empleyado ng hukuman (na inayunan ng COA) na labag sa batas ang paggamit niya ng Judiciary Development Fund (JDF). Dito nabuo ang doktrinang “una-unahan lang iyan” nang ipaliwanag ng Korte ang intindi nito sa probisyon ng Saligang Batas na “No impeachment proceedings shall be initiated against the same official more than once within the period of one year” (Art. 11, Sec. 3(5)).
Ang epekto ng desisyon ay: basta may magsampa ng impeachment complaint laban sa opisyal, oras na isumite ito sa Kamara, ano mang anyo nito (kahit 1/4th page lang nga, puwede na rin), ay ituturing na itong pag-initiate ng impeachment proceeding. Wala nang partisipasyon ang Kamara sa paghimay ng mga basehan nito. At huwag nang isipin na “impeachment proceeding” ang pinagbabawal ng Konstitusyon at hindi simpleng “impeachment complaint” lamang. Pag-file equals BAKUNA. Wala nang maaring mag-file muli sa loob ng isang taon.
Nang lumabas ang Francisco decision, naging karaniwang biro na ang impeachable officials ay kailangan lang maghanap ng kakamping kulang sa kahihiyan at protektado na sila sa pagkatanggal basta makapagsampa na maaga, maging gaano man kahina ang reklamo. Inako man itong tagumpay ng mayoryang sumuporta kay Davide, naging malinaw sa marami sa kalaunan na imbes na katwiran ay emosyon ang pinairal ng hukuman.
Sa pinakahuling GMA impeachment, makikita muli ang epekto ng Francisco na natawag nang “self-serving” at “restrictive”. Ang tatlong pahinang Pulido complaint, na malinaw na hindi “good faith” effort, ay sinusumbat ng pro-GMA congressmen para harangin ang higit na malalim at napag- isipang supplemental complaint nina Vice Governor Rolex Suplico at Atty. Adel Tamano.
Ang Saligang Batas ng Pilipinas ay kinilala’t tiningala dahil kakaiba ang pagkakaroon nito ng maurirat na probisyon ng impeachment. Marka raw ito ng tunay na demokrasya dahil mapananagot ng bayan ang mga matataas na opisyal. Sa nakita kong pag-interpret dito ng Supreme Court sa Francisco at sa makasariling pagbasa rito ng mga kampon ng Presidente sa Batasan, malinaw na nasalaula na ang tunay na diwa ng probisyon. Sa halip na maging tanda ng demokrasya at para sa kapakanan ng karamihan, ito ngayon ay walang kahiya-hiyang pinagsasamantalahan sa altar ng pansariling interes ng iisang tao.
- Latest
- Trending