Medical mission namin nina Erap at Jinggoy

NAKAAANTIG ng damdamin ang eksena noong Sabado na magkakasama kami ni President Erap at aming anak na si Senate president pro tempore Jinggoy Estrada sa aming medical mission at pamimigay ng mga gamot sa Vitas at Smokey Mountain sa Tondo, Manila.

Naroon din at sumuporta si Manila Mayor Fred Lim, Makati Mayor Jojo Binay (na pinuno ng United Opposition), dating senador Ernie Maceda at Navotas City Mayor Toby Tiangco.

Napakainit ng pagsalubong sa amin ng mga residente roon, na mayroon pang dalang malaking banner na may katagang “Ama ng Masang Tondo” bilang pagbati kay President Erap.

Matagal na talagang gustong makita at makadaupang-palad muli ni President Erap ang kanyang mga kababayan sa Tondo… talagang nami-miss na niya lalo na iyong mga mahihirap. Umaatikabo ang palakpakan noong kanyang sinabing:

“Mahal na mahal ko kayong lahat ... Habang nabubuhay si Erap, ‘di makababayad ng utang na loob sa mahihirap. Kung ‘di dahil sa mahihirap wala si Erap. Hindi ko kayo maaaring iwan anuman ang mangyari. Kung sakali mang tinanggap ko ang pardon na iyan ay hindi nangangahu­lugang ako ay umaamin ng kasalanan. Wala po akong kasalanan. Kung may pagkakamali man ako sa aking panunungkulan bilang pangulo, yang pagnanakaw ay hindi po kasali iyan. Korapsyon ay hindi po kasali iyan. Ni isang kusing po wala akong ninakaw sa ating kabang-bayan.”

Ang naturang medical mission ay panimula pa lang ng napakaraming proyekto na ilulunsad ni President Erap katuwang ako at si Jinggoy. Doon sa pagkaka­taong iyon ay inihayag na rin niya ang scholarship para sa mahi­hirap na estudyante.

Maraming salamat sa lahat ng mga doktor, nars, at iba pang mga tumulong kaya naging matagumpay ang aming medical mis­sion.

Show comments