Katarungan para sa OFW
MALAKI ang pasalamat ko sa Radio Veritas dahil sa pagbigay nila ng isang oras sa akin upang mapagpatuloy ko ang aking public service sa mga OFW sa pamamagitan ng aking radio program na “Kol Ka Lang”. Bagamat sanay na akong humarap sa mga problema ng mga OFW, hanggang ngayon ay nagugulat pa rin ako sa dami ng mga naloloko at ang ibig sabihin niyan ay marami pa rin ang mga manloloko sa recruitment.
Ang pagdami kaya ng manloloko sa recruitment ay sanhi ng mga masamang halimbawa na ibinibigay ng mga matataas nating mga opisyal sa gobyerno? Kung iisipin natin, ang pinakamalaking racket ng mga illegal recruiter ay maaring maliit pa rin kumpara sa maraming anomalya na ating nababalitaan.
May paraan nga kayang magawa ang gobyerno upang maiwasan o hindi kaya mabawasan man lang ang panloloko sa mga OFW, na nagsisimula habang sila ay applicant pa lang? Alam ko na napakarami na nating batas na nagbibigay protection sa mga manggagawa, kaya sa tingin ko ang kailangan ay enforcement ng batas, at hindi ang pagpasa ng mga bago at karagdagan pang batas.
Napansin ko rin na ang gobyerno ay reactive lamang sa pagpatupad ng batas at hindi pro-active. Kaya kung walang napapabalita sa media ay parang wala ring ginagawa ang gobyerno. Katulad din yan sa pagtulong ng mga embassy at consulate na kung hindi lumalabas ang mga maiinit na balita tungkol sa mga nakakulong na OFW ay parang wala rin silang ginagawa.
Hindi ako titigil sa pagtulong sa mga OFW sa pamamagitan ng aking radio program, ngunit sana man lang ay huwag din tumigil sa patuloy na pagtulong ang mga local officials at mga nakatalaga sa abroad. Kahit sabihin nila na marami na silang ginagawa, alam ko na marami rin ang napapabaya-an, dagdag pa riyan ang problema na dumadami rin ang mga manloloko.
* * *
Makinig sa KOL KA LANG sa Radio Veritas 846 khz 5 to 6 Mon to Fri. E-mail [email protected], text 09187903513, dumalaw sa www.royseneres.com, tumawag sa 5267522 at 5267515. OFW Family Club
- Latest
- Trending