NINETY FIVE percent ng mga kababaihan na may cancer sa suso ay sila mismo ang nakatuklas dahil sa kanilang pag-inspeksiyon o pag-eksamin dito. Kaya mahalaga sa mga kababaihan na lagi nilang eksaminin o inspeksiyunin ang kanilang mga suso. Ang regular na pag-inspeksiyon ang sagot para madaling maagapan ang pagkalat ng kanser sa suso.
Dahil alam ng mga kababaihan kung paano sasa-latin ang sariling suso, sila mismo ang makapagsasabi kung may kakaiba silang nahihipo o nasasalat dito. Pinakamabuti kung eeksaminin ng kababaihan ang kanilang mga suso pagkaraan ng kanilang regla. Sa panahon kasi pagkatapos ng regla ay sinasabing physiologically less active ang mga suso. Sa ganitong panahon madaling madedetect kung may mga pagkakaibang nangyayari sa suso o kung may abnormal na masasalat sa mga ito.
Sa pag-eksamin sa mga suso dapat tingnan kung may bukol, deformity o pagbabago sa hugis ng suso, anyo ng utong kung ito ba nakalubog, rash sa paligid ng utong at ang pagbabago ng kulay ng mga suso, pagdurugo o abnormal discharge sa nipple, kulani sa kilikili o mga sugat sa mismong suso.
Ibig ko lamang bigyang-diin na ang aking mga sinabing palatandaan ay hindi ibig sabihin na mayroon nang cancer sa suso. Ganoon man, kung ang mga kababaihan ay makakita ng mga ganitong palatandaan, makabubuting kumunsulta sa doctor para madaling maagapan.
Ang mga tinedyer na may masalat na bukol sa kanilang mga suso ay hindi dapat matakot sapagkat hindi naman ibig sabihin nito ay cancer na. Makabubuti pa ring ikunsulta ito sa doctor. Huwag mag-atubili.