SA kauna-unahang pagkakataon, tinawag ni Sen. Jinggoy Estrada na presidente si Gloria Macapagal Arroyo. Iyon ay nangyari sa isang press conference sa NAIA nang dumating si Jinggoy mula sa abroad. Hindi pa natatagalan, sinabi ni Jinggoy na hinding-hindi niya maaaring tawaging Presidente si Arroyo sapagkat hindi naman daw ito lehitimong Presidente. Inagaw lamang nito ang panguluhan sa kanyang ama. Dinaya rin daw nito si FPJ sa pagka-presidente noong 2004.
Nang ipardon ni Arroyo si Estrada noong nakaraang linggo marami ang nabigla nang marinig ang talumpati ng dating presidente. Pinasalamatan niya si Arroyo sa pagpapalaya sa kanya. Subalit marami sa mga nanonood ang halatang pilit ang palakpakan at may nag-ungulan na nagpapahiwatig na hindi sila sang-ayon na nakikiisa na si Estrada kay Arroyo.
Naitatanong ko sa sarili kung ano ang naging batayan ng pagbibigay ng kapatawaran ni Arroyo kay Estrada at ano ang kapalit ng pardon. Hula ko, ang kapalit ng pardon ay ang pangangako ni Estrada na hindi na ito sasali sa mga destabilization efforts o anumang paraan para mapatalsik si Arroyo. Hula ko rin, nangako ito na tutulong siya sa Arroyo administration para maiangat ang buhay ng mahihirap.
Malaking epekto sa oposisyon ang pagtanggap ni Estrada kay Arroyo bilang presidente. Malaking kabawasan sa mga magpapasakit ng ulo ng Arroyo administration. Iyon nga lang, marami naman ang nagalit kay Arroyo dahil sa pagbibigay ng pardon kay Estrada. Lalo na yung mga nagngingitngit kay Arroyo dahil sa mga nangyayaring kapalpakan sa gobyerno.