Hindi payapa ang barangay election!
GINANAP ang barangay elections noong Lunes at ayon sa Palasyo at Philippine National Police, naging mapayapa ang botohan. Pero ang hindi nababanggit, ay ang mga insidenteng naganap bago ang eleksyon, pati na ang mga oras na patapos na ang eleksyon. May karahasan pa rin! May mga namatay din, may mga nanutok ng baril kahit may gun ban, may mga nagulpi at nabugbog, may mga paglabag sa Election Code, at siyempre, may mga reklamo ng dayaan, flying voters at bayaran.
Kaya papaano masasabing mapayapa ang nangyaring election? Kahit isang tao lang ang mamatay na may kaugnayan sa eleksyon, hindi na puwedeng masabi na mapayapa ito! At hindi rin puwedeng absuweltuhin ang Comelec sa mga paulit-ulit na problema tulad ng mga nawawalang listahan ng pangalan, hindi pag-umpisa sa takdang oras, kulang na gamit pang eleksyon at iba pa! Ganito na lang ba ang katangian ng election sa Pilipinas? Ganito na lang ba ang Comelec sa tuwing may election? Ganito na lang ba ang mga kandidato? Ganito na lang ba tayo bilang mamboboto? Paano na iyan sa susunod na election sa 2010?
At pinag-uusapan na rin kung sino ang papalit kay dating Comelec chairman Benjamin Abalos. May mga nominado na para sa sensitibong posisyon. May mga kasalukuyang pulitiko, may mga kilalang kaalyado ng oposisyon, may mga abogado, may miyembro ng isang grupong nagbabantay palagi ng halalan. Lahat may kuwalipikasyon, pero lahat din may kritiko. Ayon sa isang nakausap ko, hindi pumipili ang Presidente ng Comelec chairman na galing sa mga nominadong tao. Sa katapusan, ang Pangulo ang may huling salita kung sino ang ilalagay sa Comelec bilang chairman at comissioner. Kaya mukhang maghihintay tayo ng mga pangyayari, para makapag-mungkahi tayo kung ano ang naging factor sa pagpili ng mga bagong katauhan sa Comelec. Mga tao kung saan ipagkakatiwala ang kabanalan ng mga boto natin.
Malaki ang consequence at implikasyon ng pipiliing bagong Comelec chairman at commissioners nito. Tatlong puwesto ang mababakante sa pagka-commissioner. Sa listahan na ginawa ng Malacañang na pinabibigyang komento sa Comelec ay tila may pagkutya na naman sa talino ng publiko. Bakit may mga pangalan ng oposisyon sa listahan? Tama ang sinabi ng mga taong may pagmamahal sa bayan at respeto sa balota: Tama na ang pulitiko sa Comelec! Pasong-paso na kami kay Ben Abalos! Tama na ang mga may bahid ang kredibilidad at integridad! Tama na ang madaling paki usapan! Yung mga Rene Saguisag, Rufus Rodriguez, Amado Valdes tanggalin na sa listahan at puro nakaalyado na yan sa administrasyon o oposisyon! Dapat ay manggaling sa akademiya na lamang at sabi nga’y eksperto dapat sa computerization ang kuning Chairman at commissioners!
- Latest
- Trending