Tinulugan ang karapatan

ANG kasong ito ay tungkol sa isang parselang lupa na sa buwis/amilyar ay nakadeklara sa pangalan ni Paeng. Noong Mayo 2, 1936, ibinenta ni Paeng ang lupa sa mag-asawang Tomas at Matilde.  Nagtayo sila ng bahay at tumira roon. Nakitira rin sa bahay ang kapatid ni Tomas na si Tina. Dahil walang anak, ang mga kapatid ni Tomas na si Tina at Tibo ang nagmana sa lupa.

Hindi inayos ng magkapatid ang pagpapalipat ng lupa sa kanilang pangalan. Namatay din si Tibo at Tina. Ang mga anak ni Tina na sina Laura at Maura ang nagmana sa lupa. Bandang huli, ang anak ni Maura na si Bernie na lang ang patuloy na tumira sa lupa, ngunit nanatili sa pangalan ni Tomas, lolo nila, ang tax declaration ng lupa.

Noong 1947, nag-umpisa na ring tumira sa nasabing lupa ang mag-asawang Tino at Pinang. Noong 1962, ipinarehistro ni Tino ang lupa sa kanyang pangalan. Inumpisahan din niya ang pagbabayad ng amilyar kaya nakansela ang pagkakarehistro sa lupa sa pangalan ni Tomas. Nang mamatay si Tino, ipinalipat ni Pinang sa kanyang pangalan ang pagbabayad ng amilyar.   Katunayan, noong 1977, nagawa pang isangla ni Pinang ang lupa sa PNB. At noong 1977 lang din kumilos si Lina kung kailan nag-file siya ng “notice of adverse claim” sa lupa. Bukod sa nasabing dokumento, walang ginawang hakbang ang magkapatid na Lina at Maura o kahit pa ang kanilang anak upang pagtibayin ang kanilang karapatan sa lupa.   

Sa kabilang banda, patuloy na tumira sa lupa si Pinang at ang kanyang mga anak. Kahit pa nang masunog ang bahay at mapilitan silang manirahan sa Maynila ay bumabalik pa rin ang mag-iina sa lupa upang bisitahin ito at bayaran ang amilyar. Nagkagulo lamang nang mapag-alaman ng anak na babae ni Pinang ang tungkol sa pagkakarehistro ng lupa sa pangalan ng ibang tao na diumano ay bumili ng lupa mula sa mga tagapagmana ni Lina at Maura.

Kaya noong Oktubre 18, 1995, nagsampa ng kaso ang mag-iina. Hiniling nila sa hukuman na linawin sa lahat ng panig ang tung­kol sa kanilang karapatan sa lupa. Sa kaso na la­mang humarap ang mga taga­pagmana ni Lina at Maura pati ang anak na si Bernie kung saan inangkin nila ang lupa bilang taga­pag­mana ni Tomas.

Pinanigan ng hukuman ang mga tagapagmana ni Lina at Maura. Ayon dito, ang posesyon ni Pinang ay mula lamang 1962 hang­gang 1977 kung kailan nag-file na si Lina ng “no­tice of adverse claim”. Ayon sa hukuman kulang ito sa 30 taon “prescriptive period” na dinidikta ng batas (acqui­sitive pres­cription) natin. Tama ba ito?

MALI. Ayon sa batas (Article 1123 Civil Code),   ang batayan kung kailan maituturing na  huminto na ang  posesyon nina Pinang ay mula lamang sa pagsa­sampa ng kaso laban sa kanila hanggang sa pag­tanggap nila ng summons mula sa korte tungkol sa nasabing pagkakaso. Na­sampa lang ang kaso noong Oktubre 1995. Kaya mula 1962 hanggang 1995, mahigit 30 taon na.   Kahit pa nga may ulat tung­kol sa kaso, hindi pa rin ito sapat upang pa­hin­tuin ang pagta­takbo ng prescriptive period, kung depektibo ang ulat, hindi na­sunod ang lahat ng pormalidad na hinihingi ng batas, kusang huminto ang aplikante sa ginagawang pagpapare­histro ng lupa o kung ang na­kaposesyon ay na­absuwelto sa kaso.

Sa kasong ito, masa­sabi noong 1995 lang at hindi noong 1977 huminto ang pamumusesyon ng mag-iinang Pinang kaya sa kanila na ang lupa dahil higit na 30 taon na sila namu­mu­sesyon. Malinaw na tinulu­gan ng mga taga­pagmana nila Lina at Maura ang ka­nilang kara­patan sa lupa dahil hina­yaan pa rin nila ang pamo­mosesyon ng pa­milya ni Pinang. Ang batas natin ay para sa mga masi­gasig sa kanilang karapatan at hindi para sa mga pa­baya (Heirs of Arzadon-Cri­so­logo etc. vs. Ranon et. al. G.R. 171068, Septem­ber 5, 2007).

Show comments