And the winner is Gloria Arroyo!

(Unang bahagi)

SA isang hindi inaasahang kilos, humihingi na ng pagpa­ patawad si dating Pres. Joseph Estrada kay GMA. Kung matatandaan, nangakong “ ipagpapatuloy ni Estrada ang laban”, nang hatulan siya noon ng Sandiganbayan. Da­lawampu hanggang 40 taon ang naging sentensiya sa dating Presidente. Ang unang plano ng kampo ni Estrada matapos mahatulan ay ang pag-file ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan. Hindi na nila itutuloy ito. Ayon din kay Jose Flaminiano na abogado ni Estrada, hindi na naniniwala ang dating  Presidente na maba­baliktad ang hatol sa kanya, kahit umabot pa sa Korte Suprema. Ang Chief Justice pala ngayon, na si Justice Reynato Puno, ang minsang nagponente sa desisyon laban kay Estrada noon. Sa madaling salita, hindi na naniniwala ang kampo ni Estrada na may pag-asa pa silang manalo. Sayang lang siguro ang oras, baka maging dahilan pa ng kaguluhan at karahasan kapag tuluyan nang dinala si Estrada sa totoong bilangguan.

Ano naman kaya ang iniisip ng mga kaalyado at taga-suporta ni Estrada sa hiling niyang ito? Alam ng lahat kung gaano kainit ang alitan at initan ng dalawang kampo. Ang paghingi na mismo ni Estrada ng kapatawaran ay pag-aamin na ba ng kanyang kasalanan? Tinatanggap na ba niya ang administrasyon ni GMA bilang lehitimong Presidente ng Pilipinas? May kontrol pa kaya siya sa mga taga-suporta niya kung sakaling hindi nila tanggapin ang paghingi niya ng kapatawaran? Napakaraming tanong sa nakagugulat na hiling ni Estrada.

Sa totoo lang, malinaw na pang-iipit ang henyong istratehiya ng administrasyong Arroyo laban kay Estrada.  Parang walang kapana-panalo.  Sabi nga’y kung ano ang hindi papatay sa iyo ay lalo lang magpapatibay sa iyo.  Ito ang nangyari nang ma­bigo ang sana’y nagtuluy-tuloy na pagpatalsik kay GMA noong nagbitiw sa tungkulin ang Hyatt 10 o mga miyem­bro ni Arroyo sa kanyang Gabinete. Pero hin­di nang­yari. Hindi na­kum­­binse si Noli de Castro na tumayo bilang kapalit na lider kahit pansamantala.  Dahil hindi rin makuha ang bilang ng kongresista sa Mababang Kapulungan ay bigo rin ang mga tangkang impeach­ment laban sa Pre­­sidente.  May mga ga­law din sa mili­tar na naunsi­yami. Hayun at nakaku­long na sila lahat pati si Senador Trillanes. Kinalaunan, nang maubos na ang panahon at mga pagkakataon ni Es­trada na makaganti at ma­kabawi — nahatulan na siya ng guilty. At kung hindi siya tutupi kay GMA, ma­bu­­­bulok siya sa bilang­guan. May sala man siya  — o wala. Pulitika ito. Maliit ang kinalaman ng hustisya.

(Itutuloy)

Show comments