TRAFFIC HAZARD: Bago ang ating main point, bigyang daan natin ang panawagan ng isang concerned citizen sa MMDA. Sa kanto ng EDSA at Ortigas, napakabilis magpalit ng traffic lights from green to red. Nasa gitna pa lang ng intersection ang pobreng motorista ay red na agad. Resulta, Maagap ang traffic enforcer para sumita (o manghingi ng tong). Peligroso ang ganyang sistema dahil maaaring magbunga ng aksidente kapag may humahagibis na bus o truck mula sa kabilang direksyon. MMDA, pakisilip lang po at gumawa ng karampatang adjustment sa traffic lights diyan.
* * *
“Wala akong kasalanan kaya hindi ako tatanggap ng pardon.” Iyan humigit kumulang ang sinabi ni dating Presidente Erap Estrada nang hatulan siyang “guilty” ng Sandiganbayan sa kasong plunder na iniharap laban sa kanya. May prinsipyo si Erap. Pero sa edad na mahigit 70 taon, puwede nang lunukin ang prinsipyo. Sa kondisyon ng kanyang kalusugan ngayon, siguro sampu hanggang labinglimang taon na lang ang itatagal ng dating Pangulo.
Common knowledge na biktima si Erap ng politika. Marahil kung siya’y 50-anyos lang puwede siyang manindigan sa prinsipyo at magpakulong na lang. Kapag naupo sa poder ang kanyang mga kaalyado, makasisiguro siya ng paglaya. Ngunit kung diyan aasa ngayon si Erap, baka tigok na siya kundi man uugud-ugod pagdating ng araw ng kanyang paglaya. Iyan sa tingin ko ang dahilan kung bakit nagpasya na ang mga abogado ng dating Pangulo na i-atras na ang motion for reconsideration sa kaso at hilingin sa Malacañang ang isang absolute pardon. Para sa akin, mas mabuting makalaya siya kaysa maging isang”icon” na naghihimas ng rehas sa mga naniniwala at sumusunod pa rin sa kanya. Kung nasa laya siya, mas maisusulong niya with efficacy ang kanyang advocacies.
Alam kong mabigat sa kalooban ni Erap ang kusang humiling ng kapatawaran sa pagkakasalang pinaninindigan niyang hindi niya ginawa. Pero no choice siya. I’m sure ibig ni Erap na mapagsilbihan ang kanyang matanda nang inang nagbibilang na lang ng araw sa mundong ito.
At malay mo, kung mabibigyan siya ng pardon, baka makatakbo pa siya sa 2010 presidential polls and restore his lost glory.