KAWAWA naman ang mga Pinoy kapag nag-kasakit sa panahong ito. Bukod sa ubod nang mahal ng gamot ay paubos na rin nang paubos ang mga manggagamot! Nagtutungo na sa ibang bansa ang mga manggagamot at iba pang health care professionals. Hindi na mapigilan ang mga manggagamot sa pagtungo sa abroad sapagkat mas malaki ang kikitain doon. Mas sigurado ang kanilang buhay kapag sa abroad ginamit ang kanilang talino sa panggagamot. Hayaan na lang muna ang mga kababayang maysakit at walang pera.
Ang Department of Health (DOH) ay nangangamba sa mabilis na pagkaubos ng mga manggagamot. Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, 85 percent ng mga manggagamot ay nasa abroad na. Niliwanag ni Duque na sa bawat 100 manggagamot o health professionals, 88 sa mga ito ay nasa abroad na. At mariing sinabi ng Health secretary na nasa kritikal ang health care delivery system sa Pilipinas. Nasa desperadong kalagayan na ang Pilipinas kung ang pag-uusapan ay ang pagdedeliber ng serbisyo sa mga maysakit na Pinoy. Maiimadyin kung paano ginagampanan ngayon ng isang government doctor ang kanyang tungkulin sa 28,000 Pinoy. Marami sa mga community hospital ngayon sa bansa ay isa o dalawa lamang ang manggagamot. At ang masaklap pa ay kulang pa sa mga pasilidad ang ospital. Kahit na may manggagamot na titingin, hindi rin sapat sapagkat kulang sa pasilidad. Tama ngang sabihin ni Duque na nasa desperadong kalagayan na ang pagdedeliber ng serbisyo sa mga maysakit. Dahil sa patuloy na pag-alis ng mga manggagamot, darating ang araw na wala nang matitira sa mga community hospital. Magiging haunted house na ang mga ospital dahil maraming papanaw na hindi na nahawakan ng manggagamot.
Subalit may magagawa pa ang gobyerno para mapigilan pa ang 15 percent na mga manggagamot at ilang health professionals na sundan ang tapak ng kanilang mga kasamahan. Ito ay ang pagbibigay nang malaking suweldo at mga benepisyo. Makakaya naman ito kung gagawin lang ng gobyerno. Kung ang mga kongresista at local officials ay kayang pamudmuran ng pera, ano pa ang mga manggagamot na dapat lang taasan ng suweldo. Ito ang paraan para hindi maakit na magtungo sa ibang bansa at doon maglingkod.