LABING-ISA na patay, isang-daan mahigit ang na saktan. Ito ang mga bilang sa malakas na pagsabog sa Glorieta 2 noong Biyernes ng hapon. Hindi pa natitiyak kung anong klaseng bomba ang ginamit. Isang walong metrong hukay ang iniwan ng bomba sa silong ng Glorieta 2, na binutas pa ang bubong ng pangalawang palapag ng gusali. Ganun kalakas ang pagsabog!
Mukhang naging biktima muli tayo ng terorismo. Madalas nating nababalitaan ang mga ganitong pangyayari sa ibang bansa katulad ng Israel, Egypt, Iraq, Afghanistan at Pakistan. Sa Pakistan nga, halos kasabay ng pagsabog sa Makati ang isang pag sabog din sa bansa nila. Mas matitindi ang mga napinsala sa kanila, lampas isang daan ang patay! Hangga’t walang linaw kung sino ang nasa likod ng pagpatay ng labing-isang inosenteng tao, tawagin natin silang mga terorista.
Naglabas ng babala ang PNP at AFP na sa pagwa wakas ng Ramadan, baka magkaroon ng mga akto ng terorismo. Nagpatuloy din ang opensiba ng AFP laban sa mga Abu Sayyaf. Baka naman bumabawi na sila sa paraan kung saan sila magaling, terorismo. At ang paboritong biktima ng isang terorista ay ang mga inosente. Dahil nga sa hindi sila makalaban ng harap-harapan, ito ang pinaka-epektibong paraan para makabawi at manakot sa kalaban.
Sa ngayon, manalangin tayo na maging tapat at mabilis ang imbistigasyon sa pangyayaring ito. Huwag naman sana maging isang misteryo na rin, tulad ng lahat ng nangyayari itong mga nakaraang mga buwan. Itong taon na ito ay naging malaking pagsubok sa ating lahat, at tila hindi pa tapos ang pagsusubok natin. Huwag na rin muna mag-isip at pangunahan ang mga nag-iimbistiga, hangga’t may mga siguradong natuklasan na. Madali magturo at manisi. Hindi ngayon ang panahon para sa ganyang ugali. Kung terorista ang may kagagawan nito, kalaban nating lahat ito. Kung iba, malalaman at malalaman natin ang katotohanan. At dapat maparusahan din.