EDITORYAL – Katiwalian ay wakasan para malutas ang kahirapan

ISA sa mga ibinabato sa kasalukuyang adminis­trasyon ay ang talamak na corruption. At tila dedma ang gobyerno sa panawagang wakasan ang corruption. Kahit na lantaran ang paggawa ng tiwali ay walang magawa ang pamahalaan at dumadami pa nang dumarami ang mga magnanakaw. Dulot nito ay ang walang katapusang paghihirap ng taum­bayan.

Maraming grupo ang nananawagan na para mawakasan ang kahirapan, kailangang unahin muna ang paglutas sa katiwalian. Tama ang mga nagsu­sulong nito sapagkat ang ugat ng nararanasang kahirapan ay ang talamak na corruption. Wala nang iba.

Noong nakaraang linggo, dalawang milyong Pinoy ang nagtipon sa Luneta para ipakita ang pag­laban sa kahirapan. May suot na puting wristband na may sketches ng makulay na human figures, nag­sagawa sila ng symbolic pledge. Kasabay ng gina­wang masimbolong paglaban sa kahirapan, ipi­naabot din naman nila sa pamahalaan na mamuno ng parehas, labanan ang corruption at pangalagaan ang karapatang pantao.

Tinawag na “Stand Up, Speak Out”, ito ay kam­pan­ya para labanan ang matinding kahirapan na inorganisa ng United Nation.  Ipino-promote ng Millenium Development Goals hindi lamang ang paglaban sa kahirapan ang isinusulong kundi pati na rin ang pagtatamo ng edukasyon at ang malinis na kapaligiran sa pagsapit ng 2015.

Ayon sa report ng UN, may 50,000 katao ang nama­matay dahil sa kahirapan at gutom araw-araw. Mariing sinabi sa report na labanan ang corruption para mawakasan ang kahirapan ng buhay.

Karaniwan na lamang sa bansa ang nagugutom. Sa mga survey na isinasagawa ay parating mataas ang bilang ng mga nakararanas ng gutom. Ito ay sa kabila na sinasabi ng pamahalaan na maganda na ang ekonomiya. Nag-jump daw ang ekonomiya ng 7.5 percent. Ito raw ang pinakamataas na por­siyento na natamo ng bansa sa ilang nakalipas na ilang taon. Ang nakapagtataka’y walang pagba­bagong nararamdaman ang taumbayan at maraming nagugutom.

Sugpuin ang katiwalian para matapos na ang paghihirap at ang nararanasang kagutuman. Tama ang United Nations na unang wasakin  ang katiwalian at saka magkaroon ng reporma. Ito ang sagot sa kahirapan.

Show comments