May kulaba ang mata ng ama
Dear Dr. Elicaño, ang akin pong ama ay tila may kulaba ang kaliwang mata. May edad na po ang aking ama, Unti-unti nang natatakpan ng tila ulap ang mata ng aking ama. Ang mga kulaba bang iyon ay sintomas ng katarata? Maaari po bang bigyan n’yo ako ng mga impormasyon sa katarata at paano ito malulunasan.
Maraming salamat po.
—DAISY HERNANDEZ
Walang duda na ang katarata ang nasa kaliwang mata ng iyong ama. Kung sabi mo ay tila binabalutan ng ulap ang kanilang mga mata dapat ay mag-pachek-up siya sa doctor. Ang katarata ay isang condition kung saan ang lens ng mata ay nagiging matigas at opaque. Ito ang nagiging dahilan kaya nagiging blurred ang paningin. Ang lens ng mga mata ay nakapaloob sa isang manipis na capsule at ito ang responsible sa tumatamang liwanag papasok sa retina kaya nagkakaroon ng hugis ang imahe.
Ang katarata ay karaniwang tumatama sa mga nagkakaedad na tao pero maaari ring tumama sa mga kabataan. Ito rin ay maaaring mamana ng sanggol sa kanyang inang may katarata.
Karaniwang sintomas ng katarata ay ang panlalabo o pagblurred ng mga mata na habang tumatagal ay nagiging grabe.
Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng katarata. Una ay ang natamong kapinsalaan ng mata; ikalawa ay ang mga tinatawag na metabolic disorders kagaya ng diabetes at hypoparathyroidism; ikatlo, congenital disorders particular ang Down’s syndrome at German measles o rubella. Gayunman, ang pinaka-karaniwang dahilan ay ang pagtanda ng tao.
Ginagamot ang katarata sa pamamagi- tan ng operasyon. Aalisin ang bahagi ng lens na apektado o maaaring ang kabuuuan nito.
Kapag napansin ng mga nagkakaedad na nagiging blurred ang paningin, huwag itong ipagwalambahala at agad kumunsulta sa doctor. Ang mga impeksiyon sa mata ay nangangailangan ng agarang pagtingin. Magkaroon ng regular eye check-up at sight tests.
- Latest
- Trending