MORAL bankruptcy. Iyan daw ang ang problema sa ating pamahalaan ngayon anang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). Sa gitna ng mga isyu sa korapsyon at suhulan, may mga politikong nagsasabing kailangan ang moral revolution. May nagsasabing mag-resign na si Gloria dahil wala nang pag-asang mahango sa pangit na reputasyon. Pero ano kaya ang mangyayari kung ang mga politikong ito ang humawak sa renda ng pamamahala? Hah..baka mas masahol pa sila. Ngayon pa lang ay kitang-kita na ang pagkahayok sa kapangyarihan ng maraming politiko. Hindi makapaghintay sa presidential elections na halos dalawang taon na lang mula ngayon.
Foolitics talaga! Ang mga politiko ay nauulol na’ng magpakalasing sa kapangyarihan. Pati nga mga party-lists groups na dapat ay kumatawan sa mga marginalized sector ng lipunan ay pinapasok ng ganyang mga intriga.
Sinulatan ako at tinawagan sa telepono ni ALAGAD party-list President Diogenes Osabel para magpaliwanag hinggil sa napalathalang balita sa PSN na medyo nakaapekto sa kanyang pagkatao. Nilinaw niya na si dating ALAGAD Rep. Rodante Marcoleta ay hindi na ang opisyal na nominee ng naturang partido sa Mababang Kapulungan. Pinasinungalingan din ni Osabel na iginigiit niyang maipuwesto ang sarili bilang Representante kaya nabibinbin ang pag-upo ni Marcoleta. Si Marcoleta daw ay pinatalsik na ng executive committee ng ALAGAD dahil hindi na sumusunod sa patakaran ng partido, pati na sa programa nito.
Ani Osabel, noong Hunyo 16, 2007 ibinasura ng First Division ng COMELEC ang nomination ni Marcoleta at kinilala siya (Osabel) bilang nominee ng ALAGAD sa Mababang Kapulungan.
Tungkol sa nailathala nating background na pinatalsik umano sa Osabel sa pagka-chairman ng Presidential Commission on Urban Poor nu’ng panahon ni Pres. Ramos, sinabi niya na noong 2004 pa siya pinawalang-sala ng Sandiganbayan sa mga kasong katiwaliang isinampa laban sa kanya. “All these accusations have been proven wrong” aniya. Kulang na tayo sa espasyo para talakayin ang kaso pero kitang-kita ang karumihan ng politika sa bansa.
Marumi ang politika at kahit mga lumang isyu ay pilit bubuhayin para ibagsak ang isang kalaban sa politika. Hindi na ba mababago ang kulturang ito? Kung hindi, pasensya tayo at hintayin ang pagkawasak natin bilang isang bansa.