EDITORYAL – Nalusutan na naman ang PNP
IPINAGMAMALAKI ng Philippine National Police na nakahanda sila sa anumang destabilisasyon sa gobyerno. Nag-umang ng checkpoints, nagdagdag ng mga pulis na nagpapatrulya, nagsagawa ng mga pagsasanay sa pagsalakay ng mga terorista at kung anu-ano pang paghahanda. Pero tila ang mga paghahandang ito ay kulang sapagkat nalusutan sila ng nangyari sa Glorietta 2 kahapon, dakong 1:30 p.m. Isang pagsabog ang naganap sa nasabing mall sa Makati na nagresulta sa pagkamatay ng walo katao (as of 4 p.m.) at pagkakasugat ng 70. Unang sinabi ng PNP na ang pagsabog ay dahil sa isang liquefied petroleum gas (LPG) pero nakapagdududa ang pinsalang nangyari sapagkat masyadong malaki kung ang dahilan ay ang pagsabog ng LPG. Dakong 4 p.m. sinabi ng PNP na isang C-4 bomb ang sumabog sa Glorietta. Ganap nang nalusaw ang unang hinala na LPG ang dahilan ng pagsabog.
Kagagawan ng terorista ang pangyayaring ito. Walang ibang may kakayahang magsagawa ng pambobomba kundi ang mga terorista. Sila lamang ang maaaring makagawa ng pagpatay sa kanilang kapwa sa pamamagitan ng bomba. Sa pinakahuling report, may mga batang nadamay sa pagsabog. Pati ang mga walang malay na bata ay nadamay sa walang kasing samang gawain na ito.
Marami nang pambobombang nangyari sa Metro Manila na ang pinakamatindi ay noong December 30, 2000 kung saan limang sunud-sunod na pambobomba ang isinagawa. Pinakamaraming namatay sa nangyaring pagbomba sa LRT habang nakahimpil sa Blumentritt Station dakong hapon din ng isagawa. Mahigit 100 ang namatay sa LRT bombing. Noong February 14, 2005, isang bomba ang sumabog sa bus na naghihintay ng pasahero sa EDSA malapit sa Ayala. Apat ang namatay. Daang tao rin ang namatay nang bombahin ang Super Ferry habang naglalayag sa Manila Bay. At kung maraming pambobomba sa Metro Manila, marami rin ang nangyaring pambobomba sa Mindanao na daang tao rin ang namatay.
Ang mga pambobombang ito ay kagagawan ng terorista. Hindi sila tumitigil sa masamang gawain. At nakapagtataka kung bakit nakalulusot sila sa PNP na nagsasabing nakaalerto sila. Bago matapos ang Ramadan, may mga report nang magsasagawa ng pambobomba ang mga terorista. Hindi ba ito napaghandaan ng PNP?
Ano ba talaga ang binabantayan ng PNP at nalusutan sila ng terorista? Mga nagra-rally para hindi mapasok ang Malacañang?
- Latest
- Trending