^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Ang Presidenteng maraming hindi alam

-

HINDI alam ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang pamumudmod ng pera sa mismong Mala­cañang ground noong nakaraang linggo. Kung alam niya ito, hindi na siya mag-uutos sa Presidential   Anti-Graft Commission (PAGC) na imbestigahan    ang pamumudmod ng pera na nagkakahalaga ng P200,000 hanggang P500,000. Si Pampanga Gov. Ed Panlilio ang unang nagsalita sa pamumudmod ng pera. Nakatanggap ang dating pari ng P500,000. Ipinakita ni Panlilio sa isang press conference ang bungkos ng P100,000.

Maraming hindi alam ang Presidente. Isa nga sa tila hindi niya alam ay ang nangyaring kontrobersiya sa national broadband network (NBN) deal. Kahit na umuusok na ang imbestigasyon at mga akusasyon ng suhulan sa NBN project ay dedma pa rin ang Presidente. Matagal siyang mag-react sa mga nang­ya­yari sa kanyang bakuran. Kahit nagkakasunog na ay tila hindi pa rin niya nararamdaman. Marami siyang hindi alam.

At kung malaman man niya, hindi agad siya guma­gawa ng hakbang para malaman ang mga dahilan nang nangyayaring kaguluhan. Meron ba siyang ginawa nang sabihin sa kanya ni dating NEDA chief Romulo Neri na sinusuhulan siya ni dating Comelec chairman Benjamin Abalos ng P200-million? Basta ang sinabi lang niya ay huwag tanggapin ang suhol. Ganun lang. Hindi siya nagalit kung bakit manunuhol si Abalos. Hindi niya inalam kung ano ang dahilan at bakit nakikialam si Abalos sa NBN deal na malayo sa trabaho nito bilang Comelec chairman.

At itong pamumudmod ng pera sa mismong ground ng Malacañang ang isang nakapagtataka na hindi niya alam. Kailangan pa niyang mag-utos ng imbestigas­yon ngayon para malaman kung kanino nanggaling at para saan ang perang ipinamudmod. Sabi naman ni Press Secretary Ignacio Bunye, wala raw inu-authorized na tao ang Malacañang para mamudmod ng pera. Ayon sa mga nakatanggap ng pera, isang babae sa Malacañang ang nagbigay ng pera at meron din namang nagsabi na sa isang lalaking naka-barong nanggaling ang perang nasa bag. Kamaka­lawa, isa pang congressman mula sa Maynila ang nagpatunay na nakatanggap din siya ng pera sa Malacañang.

Balot ng misteryo ang pamumudmod ng pera. Masyadong mahiwaga. At kung si Mrs. Arroyo ang tatanungin ay hindi niya alam ang mga ito. Kaila­ngang hintayin pa ang imbestigasyon ng PAGC na ewan kung merong mareresolba.

ABALOS

ALAM

ANTI-GRAFT COMMISSION

BENJAMIN ABALOS

COMELEC

MALACA

NIYA

PERA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with