SWS survey: Taumbayan may tiwala sa Senado
KAHIT madalas kong pilantikin ang Senado sa sobrang pagsawsaw nito sa mga anomalyang kinasasangkutan ng administrasyon, hataw pa rin ito sa latest survey ng Social Weather Station (SWS). Number one sa trust rating. Lumalabas din sa survey na sa lahat ng matataas na opisyal ng pamahalaan, ang Senate President ang pinakamataas na trust rating. Iyan ang pangkalahatang sentimiyento ng taumbayan, so be it. Hindi natin masisisi ang tao dahil sa mga nagsusulputang eskandalo ng kinasasangkutan ng administrasyon. Suhulan, kickback, overpricing ng mga proyekto!
In fairness, mukha namang nagtatrabaho nang husto ang Senado upang pagsabayin ang paggawa ng maraming panukalang batas at pagsisiyasat sa mga kuwestyunableng transaksyon ng gobyerno. Balita ko, sa unang dalawang buwan ng ika-14 na Kongreso ay pinagtibay ang siyam na pambansang panukalang batas at kasabay nito ay nanguna ang Senado sa paghahanap ng katotohanan ukol sa $329 milyong ZTE — National Broadband Network deal.
Ang resulta ng survey ay patunay na bigo ang mga tangkang sirain ang integridad ng Senado.
Mabuti naman kung nananatili ang tiwala at kumpiyansa sa Senado, kung hindi’y aling institusyon pa ng gobyerno ang igagalang ng mamamayan? Wika nga ni Senate President Manny Villar, “Sa isang serbisyo-publiko, wala nang hihigit pang inspirasyon para magsikap sa trabaho kundi ang ipinapahayag na kasiyahan ng iyong mga pinagsisilbihan”.
“Karapat-dapat naman ang pagkilala sa aking mga kasamahan sa Senado na isinantabi ang pulitika at nagkaisa na isulong ang mga panukalang batas na pawang para sa kapakanan ng bayan. Syempre pa, ito nakakahikayat sa atin upang magtrabaho pa tayo ng husto” dagdag ni Mr. Sipag at Tiyaga.
- Latest
- Trending