Bakuna

HUWAG nang ikaila. Nagkabigayan ng pera sa Malaca­ñang. Hamunin ang inyong congressman. Sa amin sa Sampaloc ay si Trisha Bonoan-David. Nakatanggap ka rin po ba Congresswoman David? Nangyari sa bisperas ng pag-refer ng Pulido impeachment complaint sa Committee on Justice. Subalit hindi raw ito suhol. Tulong daw sa barangay election. Eh hindi naman puwedeng makilahok ang mga pulitiko sa barangay election dahil ito’y non-political at non-partisan. Ok. Kung pamasko, pwede? Kailan pa naging katanggap tanggap ang magbigay ng financial assistance sa mga milyonaryong opisyal ng gobyerno? Lalong lalo na sa eleksyon kung saan mahigpit itong ipinagbabawal. Kung salapi ito ng bayan, maaari lang itong ipamigay ng may voucher, at dapat ay pinirmahan ng mga nakatanggap. Walang nangyaring ganito sa Malacañang.

Hindi lang si Gng. Arroyo ang nasasakdal sa napaka­sensitibong isyung ito. Sa Malacañang mismo ginaganap ang krimen –— tahanan ng ating mga pinuno at sagisag ng ating kalayaan. Nasaan ang respeto? Kapwa may sala rito ang nagbigay at ang tumanggap. Ano man ang motibo: impeachment, barangay o pamasko, labag sa batas ang pagtanggap ng pera ng bayan kung hindi mo ito suweldo. Maski ang nakonsensiyang si Gob. Panlilio, nagpapasala­mat man ang bayan sa kanyang pag-amin, ay hindi dapat basta tinanggap ang inabot na pera. Bilang opisyal, “praning” na nga kung ituring dahil sa dami ng katiwaliang dinatnan sa kapitolyo ng Pampanga, at ex-priest pa, mas matindi ang obligasyon niyang suriin muna ang bawat regalong inaabot. Naganap sa Malacañang, bisperas ng impeachment, walang voucher o resibo —– hasus, hindi ba ito kaduda-dudang talaga?

Sa mata ng tao, ang lahat ng ito ay para lamang maba­kunahan si Gng. Arroyo laban sa impeachment. Para nang epidemya sa dami ang suhulang nagaganap. Ngayong buwan lamang — P200 million ni Abalos; P2 million kina Ka Beltran at ngayon P200,000 sa mga congressman at local officials. Hindi si GMA ang nangangailangan ng bakuna. Malinaw na ang taumbayan ang dapat bakunahan laban kay GMA.

“AMONG” ED PANLILIO       GRADE:   95 sa exposé

Show comments