Lumalalang problema sa HIV/AIDS

NAKAAALARMA ang ulat ng Department of Health na umaabot na sa 2,719 Pilipino ang mayroong Human Immuno Virus (HIV), kung saan umano, isa sa bawat tatlong apektado ay OFWs at karamihan ay mga marino at domestic helper.

Base sa DOH report, 72 porsiyento ng mga apektado ay walang nakikitang sintomas, habang ang 28 por­syento naman ay itinuturing na full-blown AIDS cases na.

Ang naturang ulat ay tungkol sa Millennium Develop­ment Goals (MDGs) na pinagtibay ng United Nations kung saan ilan sa malalaking problema ­— tulad ng HIV    sa iba’t ibang bansa ay dapat masolusyunan sa tak­dang panahon. Ang iba’t ibang pamahalaan, kabilang ang Pilipinas, ay sumang-ayon sa MDGs na ito at naglatag ng mga batas, patakaran at hakbangin upang ang mga ito ay matupad.

Ang paglala ng problema sa naturang sakit ay noon pa pinansin at inihihingi ng pambansang atensyon ng grupong HIV/AIDS Prevention Project ng Philippine Rural Reconstruction Movement (HAPP-PRRM) na isa sa mga pribadong grupo na pangunahing kumikilos sa usaping ito.

Sabi ng HAPP-PRRM, isa sa malaking ugat ng proble­mang ito ay ang hindi istriktong  pagpapatupad ng pama­halaan ng batas na Philippines’ HIV/AIDS Prevention and Control Act of 1998 na nag-aatas sa lahat ng local govern­ment units (LGUs) sa buong bansa na magbuo ng HIV/AIDS council, at sa mga pribadong negosyo na maglunsad ng sariling mga aktibidad tungkol dito. Iilan lang daw na LGUs at negosyo ang sumusunod.

Sa pamamagitan ng kolum na ito ay muli akong nana­nawagan sa mga kinauukulan na magtulung-tulong tayo sa paglaban sa HIV/AIDS. Ito ay isang malaking problema hindi lang sa kasalukuyang panahon, kundi mas higit, sa mga su­sunod na henerasyon.

Para sa mga kababayan nating naghahanap ng serbisyo publiko, maaari kayong lumiham sa opisina ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada sa Room 602, Senate of the Philip­pines, GSIS Bldg., CCP Com­plex, Pasay City. Ipagpauman­hin ninyo at hindi po matutugu­nan ang mga solicitation letter.

Show comments