Ang tunay na problema sa basura
LUMULUBHA ang problema sa basura. Sa katunayan, ang mabahong alingasaw ay kalat na sa buong mundo. Bawat Pilipino ay nangangamoy, pinandidirihan at nililibak sa ibang bansa. Nagalit at nagprotesta ang mga Pilipino sa buong mundo nang laitin ng isang serye sa telebisyon sa Amerika ang mga Pilipinong duktor. “Bigyan mo ako ng duktor, huwag lamang yung nagtapos sa isang pamantasan sa Pilipinas,” ang dayalogo ng isang ginang sa isang American drama series sa telebisyon.
Pati ang ating dating Presidente na si Cory Aquino ay tinawag na isang “slut” o puta ng mga walang modong Amerikano at ipinakalat pa ito sa website. Pangit. Talagang napakapangit na ng ipinipintang imahe ng bansa sa mundo at iyan ay kagagawan din ng mga kapwa natin Pilipino. Lalo na yung mga nakapuwesto at umuugit sa ating pamahalaan.
Ang “garbage” problem na ito ay masahol pa sa idinudulot ng pag-aagawan ng kontrol ng isang gobernador at isang mayor sa tambakan ng basura sa probinsya ng Rizal.
Ang basura ng katiwalian sa gobyerno ay wala nang mapagsidlan sa loob ng bansa kaya ikinakalat sa buong daigdig. May mga matataas na opisyales na sa kabila ng matibay na ebidensya ng pangungurakot ay “naibabasura” ang kaso. Pati sa sinasabing “moro-moro” impeachment laban kay Presidente Arroyo ay nagkakasuhulan daw para ang usapin ay “maibabasura” lang at magiging immune sa ano mang impeachment case ang Presidente sa loob ng isang taon. Nakasusuka na ang mabantot na basurang ito. Toxic waste talagang matatawag na marahang pumapatay sa ating lipi.
Kung minsan, napakahirap nang distinggihin kung ano ang mga totoong alegasyon sa mga paninirang puri. In any case, pangit pa rin at napakasama ng nagiging pananaw ng buong daigdig sa mga Pilipino. Imbes na maglaba tayo ng ating karumihan sa loob ng sariling bahay, ang ating kabulukan at dumi ay nilalabhan natin sa ituktok ng daigdig at sa pananaw ng ibang mga lahi. We are bound to self annihilation. Hindi katakataka na sa malapit na hinaharap ay tuluyan nang mabura sa mapa ang Pilipinas dahil sa sarili nating kapalpakan.
- Latest
- Trending