Senatorial strike out
MGA pagtambang sa manunulat; kaso ng libelo ni FG laban sa mga komentarista; at ngayo’y banta ng Senado sa reporter na nagbulgar sa Executive session nina Secretary Neri. Lahat nito’y panakot sa malayang pamamahayag na napakahalaga sa lipunang gutom sa katotohanan. Ang unang dalawa ay pamamaraan ng isang desperadong administrasyon. Sanay na tayo riyan. Ang huli’y kagulat-gulat dahil galing sa mga senador. Paano nila pangangatawanan ang isang aksyong salungat sa karapatan natin sa impormasyon? Strike One.
Anuman ang interes ng Senado na mapanatili ang pagkasagrado ng mga closed door meeting nito, wala na silang control kapag may magsalita galing sa sarili nilang hanay. Huwag na nilang takutin ang nakarinig na reporter dahil hindi naman ito senador na sakop din ng patakaran ng kanilang Kamara. Tama si Senator Lacson na sa sandaling pinayagan nilang makilahok sa sesyon ang hindi imbitadong si Secretary Andaya, naglaho na ang karakter ng meeting bilang executive session.
Strike Two: Kung si GMA ay may executive privilege, nasaksihan naman natin nitong ZTE-NBN hearing ang matatawag na Senatorial Privilege. Tila bang naglalaho ang “good manners and right conduct” kapag pinalaki na ang ulo mo ng puwestong hinahawakan. Ang panlait ni Miriam sa mga Chinese; panlait ni Gordon kay Cayetano (sinundan ng kay Carague, na parang replay rin lang kumprontasyon noon ni Gordon at Frank Chavez), at ang “below-the-belt” na banat ni Nene kay Abalos -– lahat ng ito’y nag-iiwan ng masamang panlasa. Dahil dala nila ang ating pangalan, dapat ay lagi ring good behavior ang ating mga kinatawan.
Sa usaping JPEPA nakuha ng Senado ang Strike Three. Sa kabila ng malinaw na kapahamakan sa ating kaligtasan at sa paghigpit ng mercado para sa ating mga nurse, inilaban pa rin ng Senate Economic Planning Office ang benepisyo raw ng tratado. Ano man ang pakinabang na mapapasaatin, napakalaki ng halaga nito sa kawalan ng kalayaan at sa epekto sa ekonomiya.
Papuri sa Senado dahil sa mataas na rating nito sa survey. Sana ang mga paisa-isang tapilok na ganito ay hindi na madagdagan nang magtuluy-tuloy ang tiwala ng bayan.
- Latest
- Trending