Tama ang hakbang mo Gen. Boysie Rosales
BILANG na ang araw ng mga kriminal na gumagala sa Maynila matapos ipag-utos ni Manila Police District Director Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales ang pagpaskil sa mga larawan ng mga ito sa mga matataong lugar. He-he-he! Mukhang binigyan ng basbas ni Manila Mayor Alfredo Lim si Rosales upang masawata ang patuloy na pamamayagpag ng mga salot sa lipunan.
Ang layunin ng Informative Campaign ay upang mabigyan ng babala ang mga Manileño na makilala ang mga nambibiktima ng mga inosenteng mamamayan.
Kapansin-pansin na ang mga larawan ay nakapaskil sa mga pintuan ng mall, simbahan, palengke at mga paaralan. He-he-he! Madali na silang makikilala. Ito na marahil ang mabisang paraan upang matuldukan ang kasamaan ng mga ito sa lipunan lalo’t higit sa mamamayan ng Maynila.
Natitiyak ko na lalayas ang mga kriminal sa Maynila upang makaiwas sa mga naglilipanang vigilantes na matagal nang uhaw sa dugo ng mga halang ang bituka. He-he-he!
Iba’t ibang kumento ang aking narinig mula sa mga mamamayan na pinagmamasdan ang ikinakabit ang mga malalaking posters na may mga larawan at pangalan ng mga kriminal sa may pintuan ng mall. Sa pagkakataon ding iyon ay nakasama ko ang masipag na hepe ng Sta. Cruz Police Station na si Supt. Romulo Sapitula.
Ayon sa mga nakausap ko “Mabuti ngang nilalantad ng mga pulis ang mga larawan ng mga kriminal upang maiwasan sila sa lansangan at para makapag-handa na rin ang mga taong kanilang bibiktimahin.”
May ilan naman ang nagsasabi na kaawaawa naman daw umano ang pamilya ng mga suspek dahil masisira ang reputasyon ng mga ito sa kanilang lugar. Maging umano ang mga inosenteng myembro ng kanilang pamilya ay madadamay sa puna at galit ng mamamayan.
Ngunit marami ang sumusuporta sa naturang aksyon ni Rosales dahil ito ang tamang paraan upang mabawasan o tuluyang malipol ang kriminalidad sa lungsod. He-he-he! Natitiyak ko na bahag na ang buntot ng mga salarin sa ngayon dahil markado na sila.
At marahil muling mabubuo ang tinaguriang vigilante ng Maynila at sila ang puntirya. Parang nakikita ko na sa mga darating na panahon na marami na naman ang lulutang sa ilog Pasig o titimbuwang sa lansangan at may nakakabit na karatula. Abangan!
- Latest
- Trending