MUKHANG ang tunay na puntirya ni Atty. Roel Pulido sa kanyang impeachment complaint laban kay Presidente Arroyo ay si House Speaker Jose de Venecia. Naunang nagharap ng reklamong breach of ethics si Pulido laban kay JDV dahil nagtangka daw gumamit ng impluwensya para makuha ng kanyang anak na si Joey ang kontrata sa pagtatayo ng national broadband network. Nang makita niyang walang kahihinatnan ang reklamo, sa Ombudsman na siya nagharap ng graft charges laban kay JDV at anak nito.
Sa impeachment complaint ni Pulido, lumilitaw na si JDV ang ipinagdidiinan at isinasabit lang ng bahagya ang Pangulo. Kung matutuloy ang proceedings base sa reklamo ni Pulido, di maiiwasang makaladkad ang pangalan ni JDV. Baka siya pa ang lumabas na may malaking culpability at hindi ang Pangulo.
Two birds with one stone kapag nagkataon. Magiging mahina ang kaso laban sa Pangulo at madidismis at madidiin sa kasong graft si JDV. Balita ko, rumesbak na si JDV at nagharap na rin ng reklamo sa Integrated Bar of the Philippines para ma-disbar si Pulido.Todo-deny naman ang Malacañang na kagagawan nito ang “moro-moro impeachment.” Samantala, ang deputy secretary general ng KAMPI na si Francis Ver ay sinibak umano ni DILG Sec. Ronaldo Puno matapos ipagdiinan ni Anakpawis Rep. Cris pin Beltran na inalok siya nito ng P2 milyon para i-endorso ang impeachment complaint ni Pulido.
Pumapangit ang paningin sa atin ng daigdig. Pulos na lang “bribery” ang mga balitang nagsusulputan na kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal ng gobyerno. Nasasaktan tayo sa mga kumakalat na panlalait sa mga Pinoy ng mga dayuhan. Bago tayo respetuhin ng daigdig, dapat ipakita ng mga namumuno sa pamahalaan na sila mismo ay kagalang-galang at mapagkakatiwalaan. Kapag ang impresyon ng mga dayuhan sa mga leader ng bansa ay “magnanakaw” tayong mga mamamayan ay nadadamay. “Magnanakaw” din tayo sa kanilang paningin. Unfair but that’s the way it is.