Fraternities ipagbawal
Kabataang mag-aaral nang sumapit na sa college
ay ano ba’t nangasawi at nalagay sa panganib;
Kailan lang estudyanteng batambata ay nagsulit –-
ng buhay na hiram lamang sa lumikha ng daigdig!
Di pa dapat na masawi pagka’t siya’y nag-aaral
marami pa ang pangarap at sa buhay kanyang pakay;
Sa hangaring makisama at ang grado ay tumaas
s’ya’y sumali’t nakiisa sa nabantog na “honor frat”!
Pero ano ang nangyari? Di kinaya ang parusa
dahil mayr’ong “hazing” pala kaya siya ay nagdusa;
Di lang hirap ang tiniis kundi siya’y namatay pa
kaya ngayo’y lumuluha matiising ama’t ina!
Marami ng nasa college ang naghirap at namatay
ngunit itong “fraternity”hanggang ngayo’y hindi bawal;
Bakit kaya ang gobyerno’y parang bulag at may busal
ang ganitong pangyayari’y tila hindi nila alam?
Kung noon pa’y inalis na ang nasabing fraternities
marami nang marurunong ang ngayon ay college graduates;
Di tulad ng nagaganap kabataa’y umaalis —
pagka’t sila ay nabugbog sa kamay ng mga “master”!
Sa kolehiyo’y masasabing maganda ang karanasan
pagka’t noo’y kakaiba fraterniteng nasalihan;
Master noo’y mababait at ang tanging parusa lang
magpadala ng bulaklak sa kanilang kasintahan!
Propesora at propesor natutuwa sa hakbangin
dahil misyon ng “neophytes” ay mag-alay ng awitin
Kung minsan ay nagtuturo, sumasayaw kumikinding —
magmemorya ng Shakespeare at kay Rizal na tulain!
Pero ngayon ang mga “frat” ang tungkulin ay taliwas
mayro’ng “hazing” na sa tao aba’y lintik ang pahirap;
Marami na ang magulang may pighati’t umiiyak
pagka’t anak na nag-member sa parusa ay natodas!
Kaya dapat lamang naman –- fraternite’y ipagbawal
sa lahat ng nasa college at sa mga unibersidad;
Kung ito ay di gagawin -– masasayang ang pangarap
ng maraming ama’t inang sa pagluha nasasadlak!
Luluha rin ang gobyerno at lahat ng namumuno
buong baya’y mag-aalsa -– maging mangmang, edukado
At ang mga paaralan babagsak nang buong-buo
pagka’t sila’y nagpabaya’t di gumawa ng matino!
- Latest
- Trending