KAKATWA ang nangyayari ngayon sa Inam- bayan at sa mamamayan. Habang sinasabi ng pamahalaan na lumundag na sa pinakamataas (7.5 percent) ang ekonomiya, marami pa rin naman ang kumakalam ang tiyan at nadadagdagan pa. Habang ang pamahalaan ay pasok nang pasok sa mga proyekto na hindi naman gaanong kailangan, marami naman ang dumadaing na nagugutom. Kung ang $329-milyong deal ng gobyerno sa ZTE Corp. ay ginamit para malunasan ang kahirapan baka marami pang bibig ang natulungan. Mabuti na lamang at nabulgar ang kaduda-dudang project at sinuspinde na. Kung hindi nabulatlat, mas lalo pang marami ang magugutom dahil malaking utang ang babayaran sa China — P16-bilyon. Pero mamamayan lang mahihirapan at hindi ang mga opisyal na nagbroker sapagkat tumiba na sa “kikbak”.
Sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) umabot sa 21.5 percent ang nakaranas ng gutom mula July hanggang September 2007. Katumbas nito ay 3.8 milyong pamilya. Nilampasan nito ang nakaranas magutom noong November 2006 (19 percent).
Isang maganda-gandang balita sa survey, ay ang pagbaba naman ng 4 percent ang bilang ng mga nagugutom sa Metro Manila. Mula sa 22 percent na naitala noong nakaraang June ay naging 17 percent na lamang noong nakaraang September.
Maraming nagugutom at karaniwan na lamang ang balitang ito. Sa bansang ang corruption ay talamak, asahan nang ang isa sa mabigat na problema ay ang kahirapan ng buhay. Paanong hindi hihirap ang buhay gayong maraming opisyal ng gobyerno na ang inuuna ay pangungurakot at pangingikbak. Pera-pera ang usapan at bihira na ang mga lingkod-bayan na tumutupad sa kanilang tungkulin. Ang babauning pera sa kanilang pagreretiro ang iniisip ng ilang lingkod-bayan. Kanya-kanyang kurakot na. Bahala na ang susunod na administrasyon na mamroblema sa iiwanang utang. At sino ba ang magbabayad ng utang kundi ang kawawang mamamayan — utang na hindi nga nila alam kung paano naaprubahan at kung para saan at talaga bang kailangan.
Hindi kailanman mababawasan ang mga kumakalam ang tiyan sa bansang ito hangga’t may mga pinuno ng bansa na ang isip ay tulad sa “buwayang” walang kabusugan.