NOONG ako’y batang paslit fifty years ago, sinasabi ng mga nakatatanda na basta’t “made in Japan” walang kuwenta at marupok. Appliances man, damit o laruan, basta’t gawang Hapon “palpak” daw.
Pero ngayo’y isa nang economic power ang Japan. Ang mga produktong elektroniko nito at mga sasakyan ay number one sa buong mundo. Tinitingala ngayon ang Japan, kahit ng Estados Unidos, bilang isang world power sa ekonomiya.
Ang nangyayari ngayon sa Tsina ay katulad din ng Japanese experience. Ang mga merkado sa buong mundo ay binabaha na ng mga produktong gawa sa Tsina. Mula sa pagkain, damit, appliances, laruan at marami pang iba na tinatangkilik ng marami dahil mababa ang halaga at tila hindi naman nahuhuli ang kalidad sa mga produktong kanluranin.
Lumalakas ang Tsina. Ang dating “Sleeping Giant” ay nagising na at mabilis nagiging super power sa larangan ng ekonomiya at maging sa aspetong militar. Hindi lang mga sandata at amunisyon ang ginagawa ng Tsina kundi pati mga barko at eroplanong pandigma.
Maraming pangyayari sa nakalipas na mga buwan na nagpapakitang tila may naninira na sa mga produkto ng Tsina hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.
Kamakailan, ay pina-recall sa pamilihan ang mga laruang gawa sa Tsina bagamat may US brand name. Kesyo mataas daw ang lead content ng pinturang ginamit sa mga ito na maaaring makalason sa mga bata. Dito sa atin, pati mga produktong kendi ng Tsina ay napabalitang may halong formalin kaya pinigil ang pagbebenta sa mga tindahan.
At teka, ito’ng kontrobersyal na ZTE broadband deal ng Pilipinas sa Tsina, may impluwensyang ginamit kaya ang mga Kano para pigilin ang multi-milyong dolyar na deal? Nagtatanong lang po.