EDITORYAL – Lutasin ang mga kaso nang paglabag sa karapatang pantao
HALOS pumantay na sa Marcos regime ang mga kaso nang paglabag sa karapatang pantao na naganap sa Arroyo administration. Mula January 2001 na naupo si President Arroyo, daang katao na ang napatay at parang bula na nawala. At ang pinaghihi nalaang may kagagawan ay ang military. Pero sa kabila nang mga nangyayaring ito, tila patay-malisya ang Arroyo administration. At ang matindi, sinabi pa ni Mrs. Arroyo nang magsalita sa United Nations General Assembly noong nakaraang linggo na hindi niya ito-tolerate ang mga paglabag sa karapatang pantao. Kulang na lamang niyang sabihin na walang nangyayaring paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas.
Maraming napakunot-noo sa pahayag ng Presiden-te sapagkat mula nang maupo siya sa puwesto, tinatayang nasa 800 biktima na ng paglabag sa karapatang pantao. Bukod pa riyan ay marami pa ang nawawala. Kabilang sa mga nawawala ay ang anak ng late journalist na si Joe Burgos na si Jonas. Dinukot si Jonas sa isang mall sa Quezon City ng mga hinihinalang military. Isang taon na ang nakararaan, dalawang babaing estudyante ng University of the Philippines ang dinukot. Hanggang ngayon, hindi malaman kung nasaan si Jonas at dalawang estudyante. Sila ay ilan lamang sa daang biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Nang magsalita sa UN General Assembly, mariin din namang kinondena ni Mrs. Arroyo ang pagsikil ng Burma sa mamamayan nito. Walang demokrasya sa Burma at lantaran kung patayin ang mga lumalaban sa gobyerno na pinamumunuan ng military junta. Hiniling ni Mrs. Arroyo na pawalan ang lider na si Aung Yun Suukyi at iimplement ang democratic reform.
Kakatwa talaga si Mrs. Arroyo sapagkat nakikita niya ang ibang lumalabag sa karapatang pantao suba-lit sa mismong pinamumunuan niya ay hindi naman niya malutas ang mga problema ng mga pagpatay at pagkawala na ang itinuturong may kagagawan ay mga sundalo. Walang ipinagkaiba noong martial law na maraming namatay at nawala. Ganyan ba ang hindi papayagan ang paglabag sa karapatang pantao?
Marami nang foreign observer ang nagtungo sa bansa at sinusuri nila ang mga nagaganap na paglabag sa karapatang pantao rito. At lumabas sa kanilang pagsusuri na nagsisinungaling ang military sa mga tunay na nangyayari. Kulang na lamang sabihin na ang military ang nasa likod ng mga sunud-sunod na pagpatay at pagkawala ng mga lider manggagawa, estudyante, miyembro ng media at iba pa. Idinagdag pa ng mga observer na hindi nababawasan ang mga kaso kundi nadadagdagan pa.
Nakikita ni Mrs. Arroyo ang human rights violation sa ibang bansa subalit sa kanyang pinamumunuan ay hindi naman niya makita.
- Latest
- Trending