ZTE at huwag pulitikahin

TULUYAN nang ibinasura ni Presidente Arroyo ang kon­trobersyal na ZTE broadband deal.  Personal  itong sinabi ng Pangulo kay Chinese President Hu Jintao sa kanilang pagkikita sa China kamakalawa. Harinawang pumayapa na ang political situation. Nagresign na si COMELEC Chairman Benjamin Abalos para hindi na isulong pa ang impeachment proceedings laban sa kanya at Hukuman na ang bahalang bumusisi at humatol sa kanyang asunto. Sa kabila nito, determinado pa rin ang Senado na ituloy ang pagbusisi sa sinasabing anomalya sa ZTE-NBN deal.  Ipaubaya na lang sana sa Korte imbes na mag-ingay ang ating mga honorable Senators na lumalabas ang magagaspang na ugali sa ginagawang imbestigasyon.

Tutal, ihahabla na sa Ombudsman si Abalos na inaa­kusahang nagtangkang manuhol ng milyones kina dating NEDA Chief Romulo Neri at negosyanteng si Joey de Venecia III. Nagpalabas na rin ng TRO ang Korte Suprema na pumipigil sa implementasyon ng kinukuwestyong kontrata. Idagdag pa riyan ang pahayag ng Pangulo na ibinasura na ang kontrata. Maghintay na lang tayo ng desisyon ng Korte. Kung may dapat managot, kahit pa Presi­ dente ng bansa, bayaan nating hukuman ang humatol.

Sabi ko nga, dapat lang maging private citizen  si Abalos para mabura na ang political color ng usapin sa US$ 329 milyong broadband deal. Kasi, court of justice na ang sasalo sa usapin. Iisa lang naman ang nasisilip nating dahilan kung bakit may mga Senador na ibig isulong ang pagbusisi sa kaso: Sipain si Gloria nang wala sa oras.  Kung matatanggal si Gloria, may ibang papalit. Kahit sino ang pumalit, magiging kuwestyonable ang pagkakaupo kaya ang suma-total, political tension na walang katapusan.

Isa pa, bago gumawa ng marahas na hakbang, bakit hindi ang merito ng proyekto sa ZTE ang masusing pag-aralan at bigyan ng benefit of the doubt. Pero ‘‘water under the bridge’’ na ang usapin dahil ibinasura na ng Pangulo.

Sa court of justice, gaya ng Ombudsman na siyang malamang humawak sa kaso kung ididemanda si Abalos, binibigyan ng timbang ang ebidensya bago i-convict o i-absuwelto ang akusado. Kaya yung mga Senadores na duda sa motibo ni Abalos sa pagbibitiw, malamang sila ang may masamang intensyon. Wika nga ng kasabihan “hataw sa kalabaw, sa kabayo ang latay.” Gustong hambalusin si Abalos pero ang target na masasaktan ay ang Presidente ng Pilipi­ nas na ibig na nilang mawala sa puwesto bago pa man ang 2010 election. Politics is the name of the game. Hindi ko ina­ab­suwelto ang Pangulo. Maa­aring may dapat siyang panagutan. Pero hindi ba puwedeng mag­hin­tay tayo ng kulang sa tat-long taon na lang bago siya ipagharap ng de­manda sa hukuman ng katarungan?

Show comments