NANG ilipat kay Gen. Avelino Razon Jr. ang pamumuno sa 120,000 miyembro ng Philippine National Police (PNP) noong Lunes, kasabay din namang iniatang sa balikat niya ang paglutas sa mga pagpatay, pagkawala at iba pang paglabag sa karapatang pantao. Ano ba itong utos na ito ni President Arroyo at tila masyado namang mabigat. Pero dahil katatalaga lamang ni Razon, siyempre buong giting niyang tinanggap ang “marching order”. Tutuparin niya ang mga iniatang ng Presidente sa kanyang balikat.
Kakatwa talaga ang utos na ito sapagkat ang iimbestigahan ni Razon na mga pagpatay at pagkawala ng mga militante ay itinuturong kagagawan ng military. E di iimbestigahan niya si dating Gen. Jovito Palparan na noon pa ay itinuturo nang nasa likod nang mga pagpatay sa mga hinihinalaang New People’s Army. Hahanapin ni Razon kung nasaan si Jonas Burgos na dinukot ng mga hinihinalang sundalo sa Ever-Gotesco Mall. Pati ang mga pagpatay sa mga journalists ay pakikialaman na rin ni Razon.
Nang magsalita si Mrs. Arroyo sa United Nation General Assembly noong nakaraang linggo, sinabi niyang hindi ito-tolerate ang mga paglabag sa karapatang pantao. Hindi raw siya papayag na mayurakan ang karapatan ng bawat Pilipino, nasa bansa man o nasa labas. Isinigaw din niya na palayain ng Burma ang political leader na si Aung Yun Suukyi. Sa himig ng pananalita ng Presidente ay walang nangyayaring paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
Siguro’y masyadong hanga at tiwala si Mrs. Arroyo kay Razon at dito niya ibinigay ang order na lutasin ang mga pagpatay at pagkawala ng mga tao particular ang mga militante. Sa mga hinirang niyang PNP chief tanging si Razon ang binigyan niya ng ganitong kabigat na order.
Magdadagdag naman ng kinang ng estrella ni Razon kung matutupad niya ang utos ni Mrs. Arroyo. Ang magiging problema lamang ay baka hindi matutukan ni Razon ang kanyang sariling bakuran. Baka hindi na niya maharap ang mga scalawags na pulis na kaliwa’t kanan ang ginagawang pangongotong, pangsa-sasalvage, hulidap, pagprotekta sa drug lords, kidnapping at marami pang iba. Baka hindi na maging ligtas ang mamamayan lalo na sa gabi kapag ang mga utos ni Mrs. Arroyo ang pinrayoridad ni Razon.