BRAVO! Tumpak ang ginawa mo Chairman Ben Abalos. Sa katayuan mo, pinakamarangal ang desisyon mong mag-resign bilang COMELEC Chairman. Pero para kina Senators Ping Lacson at Jamby Madrigal, mali pa rin. Diversionary tactic daw para pagtakpan ang tunay na isyu. Ano ba naman kayo honorable Senators?
Mas okay nga na maging private citizen si Abalos para mawala na (sana) ang political color ng usapin sa US$ 329 milyong broadband deal. Kasi, court of justice na ang sasalo sa usapin at hindi ang Kongreso na laging may bahid-politika ang pagbusisi sa mga isyu. O baka naman iyan talaga ang pakay niyo —ang mamulitika?
Ngayo’y moot and academic na ang isinampang impeachment case sa Mababang Kapulungan laban kay Abalos. Kusa nang bumitiw sa puwesto ang pobre. Sa impeachment kasi, hindi mahalaga ang ebidensya. Salita at paratang lang at bilang ng mga Kongresista ay sapat na para itanghal na guilty or not guilty ang isang ini-impeach na public official.
Sa court of justice, gaya ng Ombudsman na siyang malamang humawak sa kaso kung ididemanda si Abalos, binibigyan ng timbang ang ebidensya bago i-convict o i-absuwelto ang akusado. Kaya yung mga Senadores na duda sa motibo ni Abalos sa pagbibitiw, malamang sila ang may masamang intensyon. Wika nga ng kasabihan “hataw sa kalabaw, sa kabayo ang latay.” Gustong hambalusin si Abalos pero ang target na masasaktan ay ang Presidente ng Pilipinas na ibig na nilang mawala sa puwesto bago pa man ang 2010 election. Politics is the name of the game. Hindi ko inaabsuwelto ang Pangulo. Maa aring may dapat siyang panagutan. Pero hindi ba puwedeng maghintay tayo ng kulang sa tatlong taon na lang bago siya ipagharap ng demanda sa hukuman ng katarungan?
Kapag nilitis na sa Korte si Abalos, naniniwala akong lulutang ang katotohanan pati na ang posibleng pagkakasangkot ng pinakamataas na pinuno ng bansa kung mayroon man. Tuwing umeentra sa eksena ang Senado, ang resulta ay laging gulo kaya ang Pilipinas ay di na umasenso!