Pruweba ng kurakot nasa ZTE contract
UNTI-UNTI lumalabas ang pruweba ng kurakot sa ZTE deal. Nakakuha si Sen. Ping Lacson ng kopya ng kontrata — pirmado nina DOTC Sec. Larry Mendoza at ZTE vice president Yu Yong nu’ng Abril 21. Nakalaan du’n ang $118.6 milyon para sa engineering services at $14.9 milyon sa managed services, o pinagsamang $133.5 milyon nang kabuuang $329.5 milyong presyo. Ayon sa mga eksperto sa telecoms, ang industry standard sa services ay 18 percent ng total, pero sa ZTE deal umaabot sa 41 percent. Dito pa lang, makikitang padded ang presyo — at dito malamang nakatago ang kickbacks. Kung sagad na 18 percent ang services, dapat ay $59.3 milyon lang ito; lumalabas na may kickback na $74.2 milyon.
Maaring bahagi pa lang ‘yon ng kickback. Nang unang madiskubre ni whistleblower Joey de Venecia nu’ng Disyembre 27 ang ZTE bid na bino-broker umano ni Ben Abalos, ang presyo ay $262 milyon. At mula rito, nabatid niya na $130 milyon ang overprice. Nang pirmahan ang kontrata nu’ng Abril 21, naging $329.5 milyon na; nadagdagan nang $67.5 milyon ang overprice. Alam ni Romy Neri kung bakit ito lumaki. Halos $200 milyon (P10 bilyon) ang kabuuang overprice.
Sa gayon, $74.2 milyon pa lang ng $200 milyong kotong ang natukoy. Maaring nakatago ang iba pang overprice sa bill of materials. Kabilang ito sa Annexes A hanggang K ng kontrata. Kaso mo, ayaw itong isapubliko ng ZTE. Pina-subpoena ito ng Senado. Nu’ng Martes, Setyembre 25 nagdala ng iisang set ng annexes ang isang pulutong na abogado sa Blue-Ribbon Committee. Binalaan nila ang committee staff na huwag i-photocopy ang dokumentos. Kesyo raw confidential dapat ang proprietary information.
Kalokohan ito. Walang confidentiality ng proprietary information sa pangongontrata sa gobyerno. Ayon sa Saligang Batas, dapat ay lantad lahat ng impormasyong may kinalaman sa interes ng publiko, May interes ang bayan dito dahil mamamayang Pilipino ang pagbabayarin ng $329.5 milyon (P16 bilyon), sa 3 percent interes sa loon nang 20 taon. Makatarungan bang pagbayarin tayo nang kahit anong ayaw natin o hindi natin alam?
- Latest
- Trending