‘Nagbigti(?)... Nakasayad ang mga paa sa sahig!’
Himayin natin ang kasong inilapit sa aming tanggapan ni Lida Tagsa ng Quezon City. Ayon sa kanya, ibinalita na ang kanyang kapatid na si Zenaida di-umano’y nagpakamatay pero iba ang palagay nila.
Ang biktimang si Zenaida Tagsa, kapatid ni Lida ay nagkaroon ng unang relasyon sa isang seaman. Hindi sila ikinasal pero nagkaroon sila ng isang anak. Dahil sa ibang bansa ito nagtrabaho hindi sila nagkaroon ng pagkakataong magsama hanggang sa tuluyan na niyang hindi nakita ang ama ng una niyang anak.
Sa ikalawang pagkakataon muling umibig si Zenaida, nakarelasyon naman niya si Domingo Sta. Cruz, isang security guard. Nagkaroon sila ng tatlong anak subalit katulad ng una nitong pag-ibig hindi rin sila kinasal. Ayon kay Lida hindi niya alam ang dahilan kung bakit ayaw ng mga ito ang magpakasal. Masyadong malihim ang kanyang kapatid kaya naman hindi nila alam ang nangyayari dito at kung ano ang problema nito sa kanyang asawa gayung napapabalita na madalas mag-away sina Domingo at Zenaida.
Bago pa man magsama ang dalawa nagtrabaho si Zenaida sa Libis subalit dahil sa dalas ng pag-absent nito natanggal siya sa trabaho.
“Madalas daw kasi may pasa at black eye ang kapatid ko kaya naman nahihiya itong pumasok hanggang sa tuluyan na siyang tanggalin sa trabaho,” kuwento ni Lida.
Kinailangan ni Zenaida na tumanggap ng labada upang may ipantustos sa kanyang mga anak dahil sa kuwento ni Lida hindi nagbibigay si Domingo ng pera sa pamilya nito. Minsan ay pinalayas din si Zenaida kasama ang tatlong anak sa bahay na tinutuluyan nito kaya naman sa basketball court ito natulog. Dahil sa asawa ng pinaglalabahan nito tinulungan siya na makahanap ng mauupahan bahay upang may matuluyan ang mga ito. Subalit hindi rin nakatiis si Domingo sinundo niya ang asawa at mga anak. Nagsama muli ang dalawa. Madalas namang maikuwento ni Zenaida ang di-umano’y pambubugbog sa kanya ni Domingo.
Ika-28 ng Marso 2007 nagkaroon ng komosyon dahil pilit nitong pinapipirma sa isang kasunduan tungkol sa pagkakautang si Zenaida subalit hindi niya ito ginawa. Sa pangyayaring iyon sinaktan ng mga ito ang biktima. Hanggang sa natagpuan na lamang ang biktima na ’di-umano’y natagpuan na lamang ito na nagbigti. Samantala ayon sa salaysay ng kapatid nang ireport ang pangyayaring iyon sa tanggapan ng barangay hindi naman sila agad pinapasok sa loob ng bahay. Nakita nilang wala nang malay ang biktima subalit humihinga pa ito. Wala rin silang nakitang cord o lubid man lang sa lugar kung saan sinasabing nagbigti ang biktima pero ang paa nakasayad sa sahig.
Sa pamamagitan ni Genoveva Tagsa nalaman nila na nasa ospital ang kanyang kapatid. Sinabi nito na nagtangkang magpakamay si Zenaida. Dinala sa ospital ang biktima at agad na nilapatan ng lunas pero makalipas ang ilang oras ay pumanaw na rin ito. Subalit hindi na nila ito inabutan pa ng buhay. Hindi naman nakita ni Lida si Domingo noong mga oras na nasa ospital ang kanyang kapatid. Tinanong niya sa mga kaanak nito kung nasaan ito at sinabi sa kanya ay naghahanap ng pera na ipambabayad dito.
Sa morgue, ayon kay Lida, sinabi sa kanya ng embalsamador na parang hindi nagpakamatay ang kanyang kapatid dahil sa naging marka nito sa leeg. Napansin din ng kapatid ni Zenaida na madumi ang mga kuko nito at ang maging damit din ay madumi. Dahil dito naghinala sila na hindi nagpakamatay si Zenaida.
Sinubukan nilang magtungo sa bahay ng mga Sta. Cruz upang kausapin ang mga anak ni Zenaida subalit hindi pumayag si Domingo na kausapin ang mga bata. Sa pahayag din ni Lita Amago, sinabi nito na naikukuwento sa kanya ni Zenaida ang di-umano’y madalas na pambubugbog sa kanya ni Domingo. Ito na rin ang nag-udyok sa pamilya ni Zenaida upang magsampa ng kaso.
Nagsampa ng kasong Murder ang pamilya ng biktima laban kina Domingo at mag-asawang Julio at Marcia. Matapos ang preliminary investigation lumabas ang resolution. Dismissed ang kaso. Sinasabi ng investigating prosecutor na walang sapat na ebidensiya o eyewitness para idiin ang mga suspek sa kasong ito.
Maraming dahilan kung bakit gustong mabuhay ni Zenaida una ay dahil marami siyang anak na nagmamahal sa kanya. Kapag nawala siya ay wala ng titingin sa mga ito. Ang kahina-hinalang mga kilos ng asawa at pamilya nito at higit sa lahat ay kung paano natagpuan ang biktima kung saan may nakataling kable sa leeg, nakabitin subalit ang kanyang mga paa ay nakabitin sa sahig ang mga dahilan na hindi mapaniwalaan ng pamilya ni Zenaida na nagpakamatay nga ito. Sino ang nagtago ng kable? Bakit hindi inireport sa pulis para ma-eksamin ng isang medico legal officer ang bangkay? Ilan lamang ito sa mga katanungang bumabalot sa misteryo ng pagkamatay ni Zenaida.
Nagkaroon ng pagkakataon si Acting Secretary Agnes Devanadera ng Department of Justice na makausap si Lida Tagsa. Nangako naman ang butihing Lady Justice na aatasan niya ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng isang masusing imbestigasyon. Sa mga taong nagbabasa ng CALVENTO FILES kung may maitutulong kayo sa ikalilinaw ng kaso huwag kayong mag-atubiling tumawag sa aming tanggapan.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.
E-mail address: [email protected]
- Latest
- Trending