EDITORYAL – Paghahangad sa ‘kikbak’ ang ugat
Walang gatol sa pagsasalita si Neri habang sumasagot sa mga katanungan ng Senate Blue Ribbon Committee. Relax na relax si Neri at dinetalye ang mga pagkikita at pag-uusap nila ni Abalos hanggang sa alukin siya ng pera para maaprubahan ang kontrata. Nagulat daw si Neri sapagkat iyon ang unang pagkakataon na may nag-alok ng ganoon kalaking halaga. “Sec meron kang 200 dito.” Iyan daw ang sinabi ni Abalos kay Neri. Bagamat hindi naman sinabi kung magkano talaga, ipinalagay na iyon ay P200 milyon.
Malalaking “kikbak” ang pinag-uusapan dito. Milyong dolar at milyong piso. At si Abalos ang walang ibang itinuturo na magbibigay ng suhol para lamang maaprubahan ang ZTE contract.
Unang sinabi ni Joey de Venecia na $10 milyong dolar ang sinusuhol sa kanya ni Abalos para lamamg umatras sa bidding ng national broadband network. Ang laki ng suhol na ito. At kung malaki ang alok na suhol para lamang huwag nang makisali sa NBN project, gaano kalaki ang makokomisyon ni Abalos dito kung totoo ngang siya ang nagbroker. Whew! Nakalulula marahil ang figure. Ang halaga ng NBN project na nakopo ng ZTE ay $330 milyon (o P16 bilyon sa Philippine money.)
Sinabi raw naman agad ni Neri kay President Arroyo ang tangkang panunuhol ni Abalos at ang sabi raw ni Mrs. Arroyo ay “huwag mong tanggapin.”
Sa ganitong takbo ng usapan, tanging “malalaking kikbak” ang ugat kung kaya madaling naaprubahan ang proyekto at nawalan na ng transparency. Makontrobersiyang masyado ang deal sapagkat sangkot si Abalos na ang trabaho ay sa Commission on Elections. Maraming nasisilip sa kanyang “baho”.
- Latest
- Trending