MARAMI na ang mga nagiging biktima ng tinatawag na Network Marketing Scam.
Network marketing ang tawag sa malikhaing estilo ng mga malalaking negosyanteng pagpaparami ng miyembro ang tunay na layunin ng negosyo.
Gumagamit sila ng mga produktong “madaling nabebenta” dahil in demand sa panahon ngayon tulad ng prepaid cards para makaakit ng mga maliliit na entrepreneurs o negosyante.
Ang mga produktong ito ang front o maskara para itago ang tunay na layunin ng kumpanya — ito ay ang dealership.
Ang salitang Dealership ay ang pagre-recruit ng mga downline na miyembro (estilong pyramiding). Depende sa dami ng mare-recruit, dito ka kikita.
Kaya maraming kumpanya ng Network marketing ang nagtuturo na sa dealership mag-full time at gawing part time lamang ang pagbebenta ng produkto.
Oo nga naman, magsipag ka lang sa pagre-recruit, kikita ka ng malaki. Katwiran nila, easy money, high commissions.
Sa pag-iimbestiga ng BITAG sa lumalaganap na network marketing scam, wala pang ispesipiko at kaukulang batas ang mga ahensiya ng gobyerno laban dito.
Ayon nga kay Ismael Bengco, ang President at CEO ng kumpanyang Portal Innovations Corp, ang kumpanyang nasa likod ng LOAD EXTREME, napakagandang networking ground umano ng bansang Pilipinas.
Mistula kasing open market ang Pilipinas sa negosyo ng network marketing dahil bata at bubot pa sa kaalaman at proteksiyon ang ating bansa tungkol dito.
Ang network marketing ay unang sumibol sa mga bansang Europe, Singapore, Malaysia at Indonesia subalit pinalayas sila sa mga bansang ito kaya’t sa Pilipinas ngayon namamayagpag ang network marketing.
Kapag inabuso ng mga malikhaing negosyante ang industriyang ito at lumabas ang mga naagrabyadong miyembro at nagreklamo, dito na nagsisimula ang problema.
Inaasahan ng BITAG na dadami at tataas pa ang bilang ng mga magrereklamo at mabibiktima ng network marketing scam dahil blanko pa ang ating mga ahensiya sa mga hakbang na gagawin laban sa lumalaganap na negosyong ito.
Nasa BITAG na ang babala, nasa publiko na ang pag-iingat…