Konsiyensiya ang sundin, hindi ang giit ng obispo
AKO’Y Kotoliko sarado, miyembro ng Familia Bible-based charismatic prayer group. May buwanang booklet kami, guide sa pang-araw-araw na pagdadasal batay sa Bibliya. Tinigilan kong basahin ito nang, isang araw, ipinahayag du’n na lahat ng naglalayon ng birth control ay mga kampon ni Satanas. Kesyo ang turo raw kasi ng Diyos ay humayo tayo at magparami, at kasalanan ang pagplano ng pagdami ng anak.
Kabuktutan ang interpretasyon na ‘yon. Kabalbalan ang pananaw na ang birth control ay abortion o pagpatay ng sanggol. Kahunghangan ang pagsabing magparami tayo nang magparami, miski lugmok sa kahirapan kaya napapabayaan ang mga anak at ina.
Malinaw ang statistics. Ang mahihirap, na nabubuhay sa P100 kada araw lamang, ay mas maraming anak. Dahil ito sa kawalan ng pondo para turuan sila ng family planning at bigyan ng murang gamot o gamit para rito. Humihina ang mga ina at sanggol dahil buntis taon-taon si misis, imbis na makapag-hanapbuhay o maalagaan nang husto ang bunso. Imbis na makahulagpos sila sa karukhaan, ipinamamana pa nila ito sa mga anak.
Nilalabanan ng mga Katolikong obispo ang kahit anong paraan ng family planning — maliban lang sa “natural methods”. Lahat ng natural ay kailangan ng pag-abstain sa sex o pag-sex tuwing infertile ang misis batay sa menstrual cycle. Opisyal na paninindigan ito. Pero hindi ito infallible doctrine. May matitinding theologians na sumasalungat dito.
Anang ibang cardinals, puwede rin ang artificial methods, tulad ng pills o condoms, ligation o vasectomy — basta safe at hindi nakaka-abort. Inulat ni Jesuit Fr. Ruben Tanseco sa Philippine STAR nu’ng 2004 na palpak ang natural methods sa Pilipinas miski ilang dekada nang iginigiit, kaya lumalala ang kahirapan. Marami na ngang wala ang mahihirap, tapos pagbabawalan pa mag-sex ang mag-asawa kung kelan nila nais.
Ayon sa Second Vatican Council, nasa sa mag-asawa na ‘yon kung natural o artificial method ang pipiliin — basta’t batay sa informed at responsible conscience. Samakatuwid, hindi kasalanan ang konting anak.
- Latest
- Trending