ANI William Gibbs McAdoo, imposible mo raw madaig sa argumento ang isang ignorante. ’Yan marahil ang rason kung bakit ayaw nang makipag-usap ni Antonio Calipjo Go, academic supervisor ng Marian College ng Quezon City, sa mga taga-DepEd. Mahigit 10 taon nang iniaangal ni Go ang mali-maling textbooks na ipinalilimbag ng gobyerno. Nagtalaga ang DepEd ng mga ekspertong PhDs para repasuhin ang 11 textbooks. Wala halos silang nakitang mali, kaya ituloy ang pagpapakalat ng mga libro sa bansa. Natuyuan na tuloy ng dugo si Go.
Paano mo naman sasabihing tama ang mga ito? Sa isang aklat pang-Pilipino sa Grade 5: “Makinilya ang unang regalo sa akin ni Daddy noong makatapos ako sa Kinder.” Aba’y iisipin mo tuloy na teenager na siguro siya nang mag-kindergarten, kaya gan’un ang pabuya ng tatay niya.
Isa pa, pang-Hekasi, Grade 3: “Saang lalawigan ang may palaisdaan na may nakukuha rin na mga isda?” Ano’ng klaseng tanong ‘yon? Ano ang makukuha sa palaisdaan kundi isda, maliban kung burak ang hanap mo?
Heto pa rin, sa English, Grade 3: “Jose Garcia Villa wrote the story ‘Woman With Two Navels.’ Mali. Si Nick Joaquin ang sumulat nu’n, at ang tamang pamagat ay “The Woman Who Had Two Navels.”
Daan-daang mali ang mga natuklasan ni Go. Pero pinalalabas na mayabang lang siya kaya niya tinutuya ang akda ng PhDs. Kung meron mang konting mali, anang DepEd, hindi raw ‘yon sinasadya.
“You can be sincere and still be stupid,” pitik ni Charles Kettering. Sinsero ang mga Katolikong cardinal nang ipakulong si Copernicus sa pagsabing ang mundo ang umiikot sa araw imbis na kabaliktaran. Kasing tanga sila ng mga sumunod na cardinals, makalipas ang dalawang siglo, na nag-excommunicate kay Galileo nang patunayang tama si Copernicus.
Sinserong tanga ang sumulat nito sa Filipino Book I: “Ang Tawi-Tawi ay nasa dakong hilagang kanluran ng Pilipinas.” Gayundin sa English Book V: “Early kites were very large leaves; the string was a piece of vine. Kaya naman pala bobo ang Pilipino sa Geography at Science.