PARANG isang shooting sa pelikula ang eksena ng hostage drama kuno na pinagpiyestahan ng media noong nakaraang Lunes sa Tandang Sora, Quezon City.
Ang suspek, Si Jaime Sacote, na kung tutuusin ay isang biktima lamang ng illegal recruitment.
At dahil naburyo, ang huling agency na pinag-aplayan nito ang napagdiskitahan at hinostage daw ang empleyada na si Ergie.
Ayon sa eksklusibong panayam ng BITAG sa biktima ng panghohostage na empleyada ng agency na si Ergie, uminit daw ang ulo ng suspek na si Jaime nang mag-bayad ito ng kuwarenta pesos para sa kanilang registration fee.
Sa dinami na daw nang napuntahang agency para aplayan ng suspek, hiningian lang daw ito ng pera at wala ding nangyari.
Kaya ang resulta, pagdating sa kanilang agency, tinopak ang suspek na si Sacote at siya ang napagdiskitahan.
Hindi nito malaman kung maaawa o magagalit sa suspek sa ginawang panghohostage kuno sa kaniya.
Subalit alam ng BITAG na naiintindihan ni Ergie ang sitwasyon at naging reaksiyon nang suspek na nanghostage sa kanya.
Kung sino nga naman daw kasi ang pulubi at nangangailangan sa panahon ngayon ay sila pa ‘yung madalas lokohin at gantsuhin lalo na ng mga illegal recruiter.
Ang dahilan ng problema, kumbaga sa isang peli-kula ay main plot, pagpapangako ng trabaho at malabong proseso ng recruitment. Kaya’t ang climax, hostage-drama!
Iba’t-ibang reaksiyon ng mga biktima ng illegal recruit ment ang naidokumento na ng BITAG. Mga maaaksiyong eksenang nagaganap kapag naghaharap na ang biktima at inaakusahang illegal recruiter sa presinto ng pulis.
May sapakan o suntukang ala-Manny Pacquiao, sabunutan at sampalan, tadyakan at tulakan at meron pang buhusan o sabuyan ng tubig.
Mga eksenang makikita mo na epekto lamang ng problema, sa ganitong paraan na lang kasi makakabawi ang mga biktimang naloko na.
At may posibilidad pang dumami ang mga katulad nila at ni Jaime Sacote hangga’t hindi tumitigil ang mga illegal recruiter at iba pang bogus na job agencies sa kanilang raket na panloloko at panggagantso.
Sa katanungan nga ng BITAG sa suspek na si Jaime kung nagsisisi ba siya sa kaniyang ginawa, isang matigas na “hinding-hindi!” ang kanyang kasagutan.
Ibig sabihin, kapag nakasilip ulit ng pagkakataon si Jaime, uulitin nito ang ginawa niyang pangho-hostage.
Aabangan ng BITAG ang susunod na paghaharap ng ilan pang illegal recruiter, agencies at iba pang katulad ni Jaime!