MALAKI ang utang na loob ng mga residente ng Smokey Mountain sa Balut, Tondo, Manila sa Korte Suprema. Kung magugunita, may sector na ibig ipawalang bisa ang Smokey Mountain Development and Reclamation Project (SMDRP) na nagbibigay sa kanila ng lupain sa naturang lugar. Nagsalita na ang SC at pinagtibay ang legalidad ng SMDRP.
Dalawang dekadang nakipaglaban ang mga residente ng Smokey para manatili ang kanilang karapatan sa lupaing inayos at pinaganda ng gobyerno sa pamamagitan ng R-II Builders at National Housing Authority. Pero ang legalidad nito ay kinuwestyon ng sector na ibig marahil kumamkam sa lupa. Ang abogado nila ay si dating Solicitor General Frank Chavez. Sa argumento ni Chavez sa SC, kesyo wala daw karapatan ang R-II at ang NHA na tinagin ang Smokey Mountain dahil ito’y poder ng Public Estate Authority.
Salamat at ang naghari ay ang espiritu ng batas. Ibinasura ng SC ang lahat ng argumento ni Chavez sa botong 13-0. Legal at di mabubuwag ang kontratang pinasok ng pamahalaan sa R-II Builders, bagay na ipinagdiriwang ngayon ng mga benepisyaryo ng proyekto na sa mahabang panahon ay naging squatters sa dating tambakan ng basura na ngayo’y matatawag nang “Paradise Heights.” May ikabubuhay na ang mga residente ng SM. Mayroon nang handicraft livelihood center, botika ng bayan, hanay ng maraming condominium buildings at kung anu-ano pang sangkap ng isang maunlad na komunidad. Of course there’s still room for improvement na malaya nang maisusulong dahil wala nang legal question. Apat na Presidente rin ng Pilipinas ang dapat pasalamatan ng mga SM residents gaya nina Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.
‘‘All’s well that ends well!’’