EDITORYAL – Isinuka na ang ROTC pero balak ibalik uli!
PINATAY si Mark Wilson Chua ng mga kasamahang ROTC cadet sa University of Santo Tomas noong 2001. Ibinulgar ni Chua ang mga katiwaliang nangyayari sa ROTC sa nasabing unibersidad. Ginantihan si Chua. Binugbog at binalot ng carpet ang katawan at saka inihulog sa Ilog
Pero ngayon ay may proposal ang isang mambabatas na ibalik ang isinukang ROTC. Ang pagbabalik daw ng ROTC ang magiging daan daw para magkaroon ng may kalidad na reserve force ang military. Mahusay daw ang mga officers na pinoproduce ng ROTC. Ang nagsusulong sa muling pagbabalik sa curriculum ng ROTC ay si Cebu Rep. Eduardo Gullas. Napapanahon na raw para ibalik ang ROTC.
Napakababaw ng kanyang dahilan na ito lamang ang paraan para magkaroon ng mahuhusay na reserve officers ang military. Paano makasisiguro na magkakaroon ng may kalidad na officer ang military kapag nakatapos ng ROTC gayong hindi naman gaanong dumadaan sa matinding training. May mga kadete ng ROTC na hindi nga nakaranas na humawak ng baril. Pawang pagmamartsa at pagpa-parade in review lamang ang natutuhan ng mga ROTC cadet habang nakabilad sa araw kung Linggo.
Ano ang magagawa nang mahusay na pagmamartsa? Hindi magiging batayan ang husay ng pagmamartsa para maging mahusay na reserve officers ng military.
Kung ipipilit ang pagbabalik ng ROTC sa curriculum, hindi malayong maulit ang nangyari kay Mark Wilson Chua. Muling yayabong ang corruption sapagkat may mga officer na tatanggap ng pera mula sa estudyante para lamang huwag nang mag-ROTC. Posible ito at baka mas lalo pang maging talamak.
Ipagpatuloy na lamang ang National Service Training Program (NSTP) na ginagawa mula pa noong 2001. Sa ilalim ng NSTP nakapipili ang estudyante ng gusto niyang gawing serbisyo. Huwag nang isulong ang pagbabalik ng ROTC sapagkat hindi na magiging katanggap-tanggap ang bagay na nabahiran ng dugo at katiwalian.
- Latest
- Trending