NAKADIDISMAYA ang pulitikahang nangyayari sa bansa. Sa House of Representatives at Senado ay magulo dahil sa agawan sa mga puwesto —mula sa pagka-presidente ng Senado at chairmanship ng mga komite. Wala nang parti-partido, labu-labo na basta ang mahalaga sa kanila ay ang personal interes.
Magulo rin sa Executive branch. Sa pamimili pa lamang ng mga ilalagay sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno ay nauubos na ang oras ni Presidente Arroyo. Marami siyang kinakausap at kumakausap sa kanya. Pulitikahan din ang basehan ng pagpili ng Presidente sa mga itinatalaga niya sa mga nasabing posisyon. Hindi maitatago na pagbabayad-utang ang pinaiiral niya sa pagpili ng mga opisyal.
Matagal nang nakaupo si Arroyo pero bagsak na bagsak pa rin ang kalagayan ng Pilipinas. Marami pa rin ang nagugutom at naghihirap. Maraming dumadaing kapag may nangyayaring kalamidad kagaya na lamang ng pagbaha noong Martes na marami ang apektado. Maraming lugar ang lumubog at ang mga residente ay inilikas sa ligtas na lugar. Pero sa halip na ang paghahanap ng solusyon sa problema ang inaatupag, pamumulitika ang hinaharap.
Pati sa mga korte ay laganap din ang graft and corruption. Marami nang corrupt na mga huwes at mahistrado. Pinasok na rin naman ng pulitika pati na ang pag-aappoint ng mga justices sa Supreme Court.
Sa palagay ko, hindi na mababago ang sistema ng pamamahala sa bansa. Tatlong taon na lang ang natitira sa termino ni Arroyo at siguro hindi na mababago ang mga kasamaang nagaganap sa bansa. Dapat magkaroon ng tiyak na aksyon si Arroyo upang maibsan ang kaguluhan at kahirapang nararanasan ng mga Pilipino. Mabawasan na rin sana ang labis na pamumulitika.