MARAMING mga eksenang hindi pangkaraniwan sa loob ng isang nagmamadaling ambulansiya sakay ang naghihingalong pasyente.
Nagmamadaling makaabot sa pagamutan upang mabigyan ng agarang lunas ang pasyente kung kaya’t walang humpay ang tunog ng sirena.
Lahat ng eksenang ito, dokumentado ng aming cameraman sa BITAG. Sadya naming ginawa ito upang makita ang iba’t ibang ugali ng mga motorista sa lansangan.
Kalmado ang mga crew ng ambulansiya ng Emergency Medical Service ng Quezon City, subalit, makikita ang kanilang pag-aalala.
Nasaksihan namin ang kanilang kakaibang estilo. Gumagamit na sila ng sound system upang ipabatid sa mga sasakyang nasa unahan na padaanin ang kanilang sasakyan dahil sa emergency.
Nagbabaan na ang dalawa nilang crew. Ito’y upang isagawa ang pagta-traffic. Maiiwas lang sa peligro ang kanilang namimilipit na pasyente.
Kapansin-pansin na ang pangde-dedma ng mga sasakyang walang pakialam sa kanilang ambulansi- yang nagmamadali.
Marami na ang mga pasaway na motorista sa lansangan. Tumatak na sa kanilang isipan na kapag nakarinig sila ng sirena ng ambulansiya, negatibo ang dating.
Itinuturing nila itong di iba sa mga wang-wang ng mga sasakyan ng mga magugulang na pulitiko at mga VIP kuno sa lansangan. Seryoso na ang problemang ito. Kinakailangan natin ng panukalang batas o batas na magbibigay parusa sa mga motoristang ayaw padaanin ang mga nagmamadaling ambulansiyang may lamang pasyente.
Buong detalye panoorin bukas sa BITAG, IBC 13, alas-9:00 ng gabi.