EDITORYAL — Habang may basura mayroong pagbaha
WALA nang ibang maituturong dahilan kung bakit sa tuwing uulan ay madaling lumubog sa baha ang maraming lugar sa Metro Manila. Ito ay ang maraming basura na nakabara sa mga daanan ng tubig. Ang mga basura siyempre pa ay itinapon ng mga walang disiplinang mamamayan, particular ang mga nakatira sa mga gilid ng esteros, kanal, sapa at ilog. Sila yung mga taong walang pakialam kung maging marumi man ang kapaligiran at magbunga ng iba’t ibang uri ng sakit. Sila yung mga taong ang alam walang iniisip kundi ang sarili lamang nila.
Kamakalawa at maging kahapon ay marami pang lugar sa Metro Manila ang nakalubog sa baha at hindi madaanan ng mga light vehicles. Maraming tao ang na-stranded dahil sa mabilis na pagtaas ng baha na umabot hanggang baywang.
Sabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) hindi sila ang dapat sisihin sa taun-taon na lamang ay problema ng pagbaha sa Metro Manila. Ginagawa umano nila ang lahat ng paraan para maalis ang mga nakabarang basura sa mga imburnal. Noong summer ay naging abala sila sa pag-aalis ng mga basura para hindi abutan ng tag-ulan. Maraming estero ang kanilang nalinis sa basura. Masigasig sila sa pagpapaalis sa mga iskuwater na nakatira sa ilalim ng mga tulay. Bukod sa delikado ang kanilang kalagayan sa ilalim ng tulay, sila rin ang dahilan kung bakit maraming basura ang nasa ilog o mga sapa. Kapag dumami na ang basura, dito na magsisimula ang pagbabara. At kapag bumara na, aapaw na ang mga ilog, sapa, estero at tatangayin ang basura pabalik sa loob ng bahay ng mga residente.
Sa Maynila, mas maraming binahang lugar. Ang pinakagrabe ay sa Blumentritt-Dimasalang, kung saan hanggang baywang ang tubig at hindi makadaan ang mga maliliit na sasakyan. Apektado ng pagbaha sa lugar na ito ang mga kalye sa Sampaloc na nagmistulang dagat. Sa aming palagay, basura talaga ang problema ng pagbaha sa lugar na ito. Kopong-kopong pa ay ganito na ang problema sa Blumentritt-Dimasalang. At malaki ang aming hinala na ang mga basurang nagiging sanhi ng pagbaha ay nanggaling sa palengke ng Blumentritt at ganoon din sa mga walang disiplinang vendor sa kahabaan ng nasabing kalsada. Tapon dito, tapon doon ang mga vendor. Wala na silang iniisip kundi ang sarili.
Ang problemang ito ang isa sa dapat lutasin ni Mayor Alfredo Lim. Hindi ito makakaya ng MMDA.
- Latest
- Trending