ANG kontrobersiyal na si Lintang Bedol ang paniAbagong batik sa dati nang maruming Commission on Election (Comelec). Sa halip na mabawasan ang nakakapit na putik, lalo pang nakulapulan ang Comelec. At hindi maaalis ang batik sa Comelec hangga’t naaalala si Bedol at ang 2007 elections sa Maguindanao na nabalot ng fraud. Katulad ni Virgilio Garcillano, dating Comelec commissioner na nakilala naman noong 2004 elections dahil din sa dayaan, si Bedol ay hindi na rin malilimutan. Laging sasambitin ang kanyang pangalan hindi dahil sa magandang nagawa sa Comelec kundi sa isyu ng pandaraya.
Matapos mapatunayang guilty si Bedol dahil sa indirect contempt at nahatulan ng anim na buwang pagkabilanggo, ipinagmalaki ng Comelec na magandang halimbawa si Bedol sa iba pang opis-yal ng poll body na hindi nila kukunsintihin ang sinuman basta nagkasala o sumuway sa batas. Guilty sa apat na counts ng contempt si Bedol. Una ay ang hindi pagdalo sa scheduled canvassing noong May 22 at sa ni-rescheduled canvassing noong May 30. Ikalawa, hindi pagdalo sa hearing ng Task Force Maguindanao noong June 14. Ikatlo, pagtanggi na mag-submit ng paliwanag kung bakit lagi siyang absent at ang labag sa batas na kustodiya sa mga certificates of canvass (COCs) at ikaapat, ang pag-amin niya na nawala ang mga COCs habang nasa kanyang pag-iingat.
Marami pang sinabi ang Comelec na para bang galit sila kay Bedol dahil sa ginawa nitong pang-iisnab. Nakapagtataka naman na pagkaraang mapatunayang guilty ay hindi agad dinala sa kulungan kagaya ng ibang nahatulan. At kahapon, isang araw, makaraang mapatunayang guilty ay laya na si Bedol. Nagpiyansa na siya.
Lalo lamang nadagdagan ang bahid ng Comelec dahil sa nakakatawang verdict kay Bedol. Paano’y nawala sa isyu ang lahat. Ang inaasahan ay ang isyu ng dayaan sa Maguindanao ang mabubuklat at hindi ang contempt. Maraming nagtaas ng kilay sa nangyari sapagkat, nalihis sa tunay na isyu ang lahat. Para bang nasa script na ang lahat ng mangyayari. Alam na alam na ang bawat hakbang na gagawin para makaiwas sa isyu at ganap nang malimutan ng sambayanan ang naganap sa Maguindanao sa nakaraang May elections.