GIGIL sa akin ang ilang e-mailers. Bakit ko pa raw binabatikos ang $330-milyon (P16 bilyon) kontrata ng DOTC-ZTE Corp, gayung dineklara na itong legal ni Justice Sec. Raul Gonzalez. Wala raw akong sinusulat kundi kontra sa administrasyong Arroyo. Hay, naku. Nu’ng kontra sa oposisyon ang paksa ko, tuwang-tuwa itong mga tuta ni GMA. Sori, trabaho lang.
Kinakalkal ko itong ZTE deal dahil uutangin ng gobyerno sa China ang ipambabayad sa broadband network na bibilhin sa kompanyang Chinese rin. Mamamayan ang magbabayad ng utang nang 20 taon sa mataas na interes na 4%. Pero hanggang ngayon ay ni hindi nilalahad ni DOTC Sec. Larry Mendoza ang nilalaman ng kontrata sa ZTE Corp. Karapatan nating mamamayan na malaman kung ano ang binabayaran nating P16 bilyon.
Tungkol naman sa DOJ legal opinion, walang halaga ‘yan. Tatlong malalaking deal ang sinubukan ng Arroyo admin. Pawang suportado ng DOJ legal opinion. Pero ibinasura ng Korte Suprema dahil maanomalya.
Ano ang tatlong ito? Una ang Caliraya-Botocan-Kalayaan power plant na itatayo ng Impsa ng Argentina. Apat na araw pa lang nakaupo si GMA nu’ng Enero 2001, inaprubahan na ito ng DOJ. ‘Yun pala, may kumisyong nakatago, Hayun, nakademanda ngayon si noo’y Justice Sec. Hernando Perez.
Ikalawa ang NAIA-3 ng Piatco. Mahimalang nakuha ng Piatco ang build-operate-transfer contract nu’ng 2006. Mahimala pa ring apat na beses pinabago ng Piatco sa Malacañang ang kontrata para pumabor sa kanila ang terms nu’ng 1998-2000. Nang maupo ang Arroyo admin, nagtalaga ang Piatco ng “PR consultant” kuno na si Alfonso Liongson sa halagang $10 milyon (P500 milyon) para sa apat na buwan. ‘Yun pala, taga-abot ng pera sa mga opisyales ni GMA para ipatuloy ang kalokohan. Dineklarang void mula simu6la ng Korte Suprema ang kontrata.
Ikatlo ang election automation ng MegaPacific. Kesyo malinis daw ito, miski malinaw na overpriced, bulok ang computers, at paspasan ang pagkontrata ng Comelec. Pinababawi ng Korte ang P1 bilyon naibayad na.